
Paalala ni Elijah sa pagyao ni JM: ‘Wag nating maliitin ang mental health issues
Ganu’n na lang ang pagtangis ni Elijah Canlas habang nagbibigay ng mensahe hinggil sa pagyao ng bunsong kapatid na si JM Canlas.
Pumanaw si JM noong August 3 sa edad na 17.
Napanood siya sa mga pelikulang “Kiko Boksingero” at “ANi” at sa TV series na “Unconditional.”
Sa TikTok video na in-upload ni paulchester2023 ay napanood namin ang madamdaming mensahe ni Elijah bago ilagak ang mga abo ni JM sa columbarium last Sunday.
“Magandang hapon po sa inyo, maraming salamat po ulit sa pagpunta dito at sa pagsama po sa amin, sa pakikiramay, maraming salamat po.
“Alam kong marami pong tanong, marami po tayong tanong kung bakit, kung paano, kung ano. Pero gusto ko lang po ipaalam na he’s been battling with this for a while now and he fought a good fight,” umiiyak na pahayag ni Elijah.
Inilarawan niya ang kapatid bilang napakalakas na bata.
“Noong ako, dumaan din po sa depresyon, nandiyan po siya para sa akin, always there to make me laugh and always there to cheer me up,” aniya.
Patuloy ng aktor, “Sabi nga po ni Daddy kanina, nakilala natin siya bilang masayahin, makulit, may facade na ewan. Pero mabigat na po talaga ‘yung kinakarga niya.
“Kaya kahit siya na po mismo nagsabi na, he would like all of us to find solace in the fact that he’s in peace right now. Kaya magpasalamat po tayo do’n. Ipagdasal po natin si JM.”
Nagbigay din si Elijah ng pahayag tungkol sa mental health.
“Alam ko rin po na marami ngang hindi naniniwala, maraming kumukuwestiyon kung ano po ba ang mental health. Kung totoo ba ‘yan na pinapagpag lang ‘yan, mag-joke lang or whatever, o itawa mo lang ‘yan. Hindi po siya ganu’n kasimple.
“Ako na po ang nagsasabi, matagal nga pong lumaban itong si JM. Sobrang tagal po niya lumaban at ilang beses po namin siyang naligtas.
“We got to talk about it, we were there for him. He would call, he would knock on our doors, talk to his friends,” emosyonal pa ring lahad ni Elijah.
Sinabi rin ng aktor na huwag nating maliitin ang mental health.
“I-check po natin ang isa’t isa at maging mabuti po tayo sa isa’t isa,” aniya.
“Si JM, ayaw po niya na napagsasabihan, eh, very short po ‘yung patience niya. Ayaw po niya napagsasabihan, mapagalitan, ayaw po niya ng away. Gusto, laging masaya.
“Kaya gusto rin po naming i-celebrate ‘yung buhay niya. I-celebrate po natin ‘yung buhay niya, ipagdasal po natin siya. Alam ko pong masaya siya na nandito tayong lahat,” umiiyak na pagtatapos ni Elijah.