DA Ang umano’y overpriced mobile disinfection system na umabot sa P98 million.

P98M ‘Anomalya’ sa DA?

April 28, 2022 Marlon Purification 56 views

MATAPOS ang dalawang taong pananalasa ng COVID-19 sa Pilipinas, unti-unti nang nakababangon ang iba’t ibang industriya, maliban na lamang ang sa sektor ng agrikultura.

Marami kasi ang nagtatanong kung bakit ang ibang bansa ay bumubuti na ang industriya ng agrikultura, dito sa Pilipinas ay nanatili itong hilahod.

Isa sa itinuturong dahilan na dumagdag na naman sa pasanin sa mga kababayang taxpayers ay ang pagbili ng pamunuan ng Department of Agriculture (DA) ng 28 units ng umano’y overpriced mobile disinfection system na umabot sa P98 million.

Maganda man gamitin ito sa pagsugpo sa COVID-19 at iba pang sakit na pumepeste sa agricultural at livestock products ng bansa, hindi pa din maikakailang sobra-sobra ang ginamit na pondo para rito.

Marami kasi ang nagtaas ng kilay dahil umabot sa mahigit P3.5 million ang kada isang unit nito. Bagay na ikinabahala ng marami dahil malayo ito sa itinakdang retail price sa merkado.

Naglalaro lamang ang isang unit ng disinfection system sa P500,000-P1.2 million at ang isang unit ng medium duty truck sa P900,000-P1.2 million.

Tila huli na rin sa pagtugon ang DA sa mga sakit dahil hindi na minumungkahi ng Department of Health (DOH) gayundin ng US Center for Disease Control and Prevention (CDC) ang misting at fumigation para COVID-19. Maaaring magkaroon ito ng masamang epekto sa kalusugan ng tao dahil nagtatagal ang disinfectants nito sa hangin, bagay, at balat ng hayop at tao ng mahabang oras.

Bukod dito, malaking dagok din sa swine industry ng bansa ang hindi agarang pagpigil ng DA sa African Swine Fever (ASF) na nagmula sa kanilang pagpapalawig ng pork importation at hindi agarang pagsugpo sa pork smuggling.

Huling-huli na ang DA para gamitin ang mga disinfection system units dahil lumiliit na ang kaso ng ASF at higit P1 billion na ang ikinalulugi ng bansa kada buwan dahil dito simula pa noong 2019.

Usap-usapin din na masama ang loob ng agricultural at fisheries sector sa DA dahil daw hindi isalba ang mga nasabing sektor sa epekto ng pandemya.

Ayon sa iba’t-ibang agricultural groups tulad ng Philippine Chamber of Agriculture and Food Inc. (PCAFI) at Federation of Free Farmers (FFF), tila napabayaan na ang pagpapalakas sa sektor ng agrikultura at pangingisda.

Tila insulto pa sa kanila ang pagpapalawig ng fish importation na aabot sa 60,000 metric tons gayundin ang pagpapatuloy ng nababalitang vegetable smuggling sa bansa.

Dagdag pa rito, nahihirapang bumangon ang mga magsasaka dahil sa patuloy na pagkimkim ng iba’t ibang kumpanya sa kanilang lupain. Sinasabing bumaba sa higit 13 million hectares na lamang ang mga lupaing pwedeng taniman sa bansa ayon sa pag-aaral ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Hindi tuloy maiwasan na maglitawan sa mga Marites ang salitang nakakabagabag ang paggasta ng DA sa programang tila huli na para panindigan at palawigin at kung makakatulong ba tala ito sa mga kababayang Pinoy.

Hindi na nga ibinase sa siyensya, maaaring pinagkakitaan pa, sabi naman sa komento ng ilang eksperto.

Patuloy na lulubog sa kahirapan ang mga magsasaka, mangingisda, at iba pang manggagawa sa agrikultura kung patuloy na hindi magiging tapat ang kasalukuyang liderato ng DA sa taumbayan, anila pa.

Pahabol na daing ng nakararami kay Pangulong Duterte na malaki na ang naging pagkalugi ng Pilipinas dahil sa pandemya, ngunit kung patuloy na masisilaw ang mga pinuno ng nasabing ahensya sa pera at magpapatuloy bumuo ng hindi epektibong at konkretong programa para sa Pilipino, tila pare-pareho tayong pupulitin sa kangkungan.