Default Thumbnail

P80K-P100K ang ‘Escort-Service’ sa Bureau of Immigration

May 18, 2023 Marlon Purification 349 views

Marlon PurificationHANGGANG ngayon ay marami ang nagtataka kung bakit nga ba hindi mawala-wala ang korapsiyon sa Bureau of Immigration!

Wala naman kasi talaga tayong nakikitang ‘political will’ para masugpo ang mga kalokohang ito.

Katunayan, mismong si Overseas Filipino Workers (OFW) Partylist Rep. Marissa del Mar Magsino ang nagpahayag na panahon na upang isapuso ng administrasyon ng Pangulong Bongbong Marcos ang tunay na reporma sa naturang ahensiya.

Ito’y upang sugpuin ang tamalak na kaso ng ‘illegal recruitment’ at ‘human trafficking’ na ang palaging biktima ay mga kababayan nating Pinay.

Sa privilege speech, sinabi ni Magsino na ang ‘illegal recruitment’ at ‘human trafficking’ ay ginagamitan na ngayon ng makabagong teknolohiya para maisagawa ang modus-operandi ng sindikato na ang kalimitang sangkot din ay mga Immigration personnel.

“We have a bigger fight now against illegal recruiters and human traffickers. Thus, the need to reform our policies on departure formalities being enforced by the Bureau of Immigration. Higit dito, kailangang linisin ng BI ang kanilang hanay laban sa mga ilang tauhan nila,” anang kongresista na champion ng mga OFW.

Ani Magsino, lalong nagiging mahirap ang pagsugpo sa illegal recruitment at human trafficking dahil kung sino pa ang dapat sana’y kaagapay ng pamahalaan upang labanan ang nabanggit na problema ay siya pa ang kasapakat ng mga sindikato.

Ang tinutukoy ng kongresista ay ang mga walang konsensiya o “unscrupulous” na tauhan ng Bureau of Immigration (BI) na nanghihingi at nangingikil ng pera sa mga OFW para lamang huwag silang maharang o pigilan papalabas ng Pilipinas.

“Off-loading at the immigration makes OFWs spend more, especially if they have to rebook their tickets and other reservations altogether. Most importantly, these unreasonable restrictions or their abusive implementation violate OFW’s right to travel and work abroad,” sabi pa ni Magsino.

Ayon sa ating impormasyon, ang talamak na ‘escort service’ para makalabas ng bansa ang mga hindi dokumentadong OFW ay nagbabayad ng P80,000 hanggang P100,000.

Minsan at madalas, ang pagpapaalis sa mga biktima ng ‘human trafficking’ ay bultuhan o maramihan. Mula dalawa, tatlo hanggang 10 katao o higit pa.

Iyong iba naman ay paisa-isa at may nagso-solo flight. Nangyayari ang bayaran thru GCash o online banking.

Kapag ang isang Pinay na tingin ng mga Immigration Officer sa Airport na ‘magpo-pokpok’ sa abroad, kung anu-anong tanong ang ibibigay sa mga ito hanggang sa mapilitang sumuka ng pera ang isang pasahero.

Regular na nangyayari ito araw-araw sa ating mga pambansang paliparan.

Samantala, hindi lang po bentahan ng ‘escort-service’ ang pinagkakakitaan ngayon sa BI.

Pati ang pagpapa-lift sa mga ‘blacklisted foreigner’ ay ginagawang gatasan ng ilang opisyal.

Ang bentahan nito ay umaabot sa P500,000 hanggang P1 million.

Delikado ang transaksiyong ganito dahil karamihan sa mga nais magbayad ng naturang halaga ay mga banyagang may ‘criminal record’ sa abroad at natural ay gagawa ng kalokohan o krimen dito sa bansa.

Sana lang, pakinggan ng tanggapan ni BI Commissioner Norman Tansingco, gayundin ang mga bagong talagang Deputy Commissioners Joel Viado at Daniel Laogan ang panawagan ni Cong. Marissa.

Dahil kung wala silang gagawing aksiyon, asahang bukas makalawa ay ilang kababayang Pinay na naman ang mababalitaan sa labas ng bansa na nasaktan o pinatay dahil sa mapanghamak na ‘modus’ ng ‘human trafficking!’