P7.3M iligal na droga nakumpiska ng BOC-NAIA
NAKUMPISKA ng Bureau of Customs-Ninoy Aquino International Airport (BOC NAIA) ang tinatayang P7.3 milyong halaga ng ipinagbabawal na gamot sa tulong ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG).
Dumating umano ang tatlong parcel sa Central Mail Exchange Center (CMEC) sa Pasay City noong Hulyo 26.
Nakita sa isinagawang physical examination ang 96 disposable vape cartridges na may lamang cannabis oil, 468 gramo ng kush o high-grade marijuana, at 957 gramo ng methamphetamine hydrochloride o shabu.
Ang mga parcel ay galing umano sa Estados Unidso at Pakistan at patungo sa Cebu City, Bacolod City, at Naga City.
Nasa kustodiya na ng PDEA ang mga nakumpiskang kontrabando habang nagpapatuloy ang isinasagawang imbestigasyon para sa posibleng pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, at RA 10863— ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Iginiit ni Commissioner Bienvenido Y. Rubio ang patuloy na pagganap ng BOC sa tungkulin nito upang maharang ang pagpasok ng ipinagbabawal na gamot sa bansa.
“Our commitment in preventing illegal drugs from entering the country remains unwavering. This operation underscores our dedication to safeguarding our communities,” ani Commissioner Rubio.
Sa ilalim ng pamumuno ni District Collector Atty. Yasmin O. Mapa, tiniyak ng BOC NAIA na patuloy nitong babantayan ang border ng bansa.