P510K shabu nasabat sa Malate drug bust
LAGLAG sa bitag ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Manila Police District (MPD) Malate Police Station 9 ang isang binata matapos mahuli sa buy-bust operation na kung saan nakumpiska ang kalahating milyong halaga ng ilegal na droga sa Zobel Roxas Street malapit sa Malate, madaling araw nitong Martes.
Aabot sa P510,000 ang halaga ng shabu na tumitimbang ng 75 gramo ang narekober sa suspek na residente ng Pasay City.
Batay sa ulat ni P/Lt. Col. Salvador Tangdol, commander ng MPD Malate Police Stn. 9, bandang 2:00 ng madaling araw nang ikasa ang operasyon laban sa suspek sa nasabing lugar.
Isang impormante ang nagturo sa gawain ng suspek dahil sa talamak na bentahan ng ipinagbabawal na droga sa parte ng Malate.
Matapos ang surveillance, inilatag ang plano sa pag-aresto sa suspek, makaraang magpositibo sa pakikipagtransaksyon at nagkasundo sa lugar na kung saan dadalhin ang epektos.
Nang iabot na ang marked money ng poseur buyer sa suspek kapalit ng droga, sumenyas na ito kaya rumesponde agad ang iba pang operatiba para arestuhin ang suspek.
Agad naman nagpaabot ng papuri at pasasalamat si MPD Director P/Brig. Gen. Andre P. Dizon sa mga kapulisan ng Malate Police Stn. 9 dahil sa mabilis na aksyon laban sa suspek.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 Section 5 at 11 ng Article ll (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) habang nasa kustodiya ng nasabing istasyon ng pulisya ang nasabing suspek at walang inilaang piyansa ang korte.