
P5.8M smuggled na petrolyo nasabat sa Zambo City
UMAABOT sa P5.8 milyon na halaga ng smuggled na produktong petrolyo ang nasabat ng Bureau of Customs sa Port of Zamboanga (BOC-POZ) noong Setyembre 9.
Ayon sa report, tinangka umanong ipasok sa bansa ang nasabat na petroleum products.
Katuwang ng BOC-POZ ang Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), Enforcement and Security Service (ESS), Water Patrol Division, TG Aduana SWM/BARMM at Coast Guard Inspector General-Southwestern Mindanao (CGIG-SWM) sa operasyon na nangyari sa Brgy. Cawit, Zamboanga City noong Setyembre 9.
Nasabat ang petrolyo mula sa barkong M/L Zshahuny II. Galing sa Taganak Island, Tawi-Tawi at patungong Zamboanga City ang barko nang masabat ng mga awtoridad.
Wala umanong naipakitang dokumento ang mga crew ng barko nang dumaan sa proseso ang pagpasok sa bansa ng mga dala nitong produkto.
Umabot sa 89,600 litro ng diesel na nagkakahalaga ng P5.8 milyon ang nakumpiska ng otoridad.
Nangako si District Collector Arthur G. Sevilla Jr. na pag-iibayuhin ang mga operasyon ng ahensya laban sa smuggling alinsunod sa direktiba ni Commissioner Bienvenido Rubio.