Default Thumbnail

P5.3M puslit na sigarilyo, sinira sa Puerto Princesa

August 24, 2022 Vic Reyes 250 views

Vic ReyesPINAIGTING pa ng Bureau of Customs-Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) ang kampanya laban sa iligal na pagpasok sa bansa ng karne at iba pang kahalitulad na produkto.

Mahigpit na ipinagbabawal ng gobyerno ang pagdadala ng arriving passengers ng karne at processed meat products na walang sanitary at import permits.

Sinabi ni BOC-NAIA District Collector Carmelita “Mimel” S. Manahan- Talusan na ang nasabing permits ay ini-isyu ng Bureau of Animal Industry (BAI).

Ayon kay Collector Talusan, anak ni dating Customs Deputy Commissioner Julie Singson-Manahan, ang permits ay kinukuha bago ang importasyon ng mga nasabing produkto.

Ito ay naglalayong mapangalagaan ang kalusugan ng consumers at maprotektahan ang lokal na livestock industry.

Noon ngang Agosto 17 ay nakakumpiska ang BOC-NAIA ng isang shipment ng processed chicken meat na walang sanitary at import permits mula sa BAI.

Ang labing-anim na kilong chicken meat products ay naka-turn over na sa BAI for proper disposition.

Masusing ini-inspeksyon ang lahat ng check-in baggages ng mga parating na pasahero para masiguro na walang illegal products na makapapasok sa bansa.

Kamakailan ay naglabas ang BOC ng Memorandum-Circular No. 110-2022 na naglalaman ng listahan ng mga produktong agrikultura na bawal ipasok sa bansa.

Ayon sa ulat, mula Enero hanggang Hulyo 2022 ay nakakumpiska na nga ang BOC-NAIA ng 176.2 kilos ng meat products na dala-dala ng arriving passengers.

Ayon pa kay Collector Talusan, hindi nila titigilan ang pagbabantay sa mga produktong iligal na ipapasok sa bansa.

***

Sa Sub-port ng Puerto Princesa sa Palawan ay sinira noong Agosto 16-18 ang 207 kahon at 3,507 reams ng puslit na sigarilyo na nagkakahalaga ng mahigit P5.3 milyon.

Ang pagsira sa mga kontrabandong sigarilyo ay pinangunahan ni Sub-port of Puerto Princesa Collector Gladys Fontanilla-Estrada.

Ang shredding at paglubog sa tubig ng mga puslit na sigarilyo ay ginanap sa malawak na Palawan Flora ang Fauna National Reserve sa Irawan, Puerto Princesa City.

Ang kaganapan ay sinaksihan ng mga taga-Philippine National Police- Maritime Group, Philippine Coast Guard-Palawan, at NBI Puerto Princesa City District Office.

Rekomendado ng Condemnation Committee at Auction and Cargo Disposal Unit, ang pagsira sa mga sigarilyo. Ito ay naaayon sa isinasaad ng Customs Modernization and Tariff Act.

Nauna nito ay naglabas si District Collector Ma. Rhea Gregorio ng forfeiture ng shipment dahil sa paglabag nito sa customs laws, rules and regulations.

Ayon kay Estrada, ang ahensya ay determinado na pigilan ang pagpasok sa bansa ng lahat ng mga iligal na produkto.

Pero nanawagan naman si Estrada sa taumbayan na huwag tangkilikin ang mga kontrabandong produkto dahil nakakasama ito sa lehitimong negosyo sa bansa.

Isa pa, ang ismagling “adversely affects the economy.”

Huwag natin kalimutan na bumabangon pa lang ang lokal na ekonomiya na pinadapa ng dalawang taong lockdown na dulot ng coronavirus disease pandemic.

Sana makiisa ang lahat upang muling mabuhay ang mga lehitimong mamumuhunan na siyang nagbibigay ng hanapa-buhay sa ating mga kababayan.

***

Nagsisimula pa nga lang tayong bumangon mula sa pandemya na dulot ng COVID-19 at kamailan lang ay ginulantang naman ng napakalakas na lindol, na sumira ng maraming istraktura, ay nanalasa naman ang bagyong Florita.

Dahil sa malawakang pagbaha ay napilitan si Pangulong Marcos na pauwiin ang mga estudyante at nagtatrabaho sa mga opisina ng gobyerno noong hapon ng Martes.

Kasama sa order ni Pangulong Marcos ang National Capital Region at ilang lugar sa Central Luzon, Northern Luzon at Cordillera Administrative Region.

Sa tingin ng marami, baka dumami pa ang magkasakit ng dengue sa mga lugar na sinalanta ng bagyo at malalakas na pag-ulan.

Ito ay talagang nakababahala dahil bago pa dumating ang bagyong Florita ay marami na ang nagkakasakit ng dengue, na dulot naman ng kagat ng lamok.

Huwag natin kalimutan na usong-uso ang mga sakit na dengue, leptospirosis, trangkaso at pagdudumi kung panahon ng tag-ulan sa Pilipinas.

Ang mahirap nito ay nandiyan pa rin ang banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Kaya nga huwag na tayong pasaway. Sumunod tayo sa mga health protocol para malayo tayo, lalo na ang mga bata at matatanda, sa mga sakit.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: [email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE