Fire

P40M halaga ng ari-arian natupok

June 2, 2023 Edd Reyes 316 views

Sunog sa Mercury Drug Parañaque

UMABOT sa halagang P40 milyon ang natupok ng apoy na nagsimula sa stock room ng isang sangay ng Mercury Drug Biyernes ng umaga sa Parañaque City.

Wala namang iniulat na nasawi o nasugatan sa naturang sunog bagama’t nadamay din ang ilang mga katabing establisimiento, kabilang ang isang computer shop, tanggapan ng isang security agency at pahayagang Brigada, isang boutique at maging ang bahagi ng Land Transportation Office na dahilan upang isara muna ito.

Sa pahayag ng security guard na si Raymund Tojong, dakong alas-8:30 ng umaga nang mawalan umano ng supply ng kuryente sa binabantayang drug store sa Olivarez Plaza sa Ninoy Aquino Ave., Bgy. San Dionisio, Sucat, kaya’t nagpunta siya sa generator ng naturang establisimiento upang ito’y paandarin.

Gayunman, makalipas lamang ang ilang minuto ay bigla na lamang aniyang nagliyab ang kuryente malapit sa generator hanggang sa tumawid na ang apoy patungo sa stock room area, kaya’t kaagad niyang iniligtas ang ilan niyang mga mahahalagang gamit.

Sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP) na nakarating sa tanggapan ni Southern Police District Director P/BGen. Kirby John Kraft, dakong 10:25 ng umaga nang makontrol na ng mga bumbero ang apoy na umabot sa ikatlong alarma, hanggang tuluyan na itong maapula ganap na 1:35 ng hapon.

Patuloy pang nagsasagawa ng pagsisiyasat ang mga tauhan ng Parañaque BFP sa ilalim ng pangangasiwa ni Fire Marshal Supt. Eduardo Loon upang alamin ang tunay na dahilan ng pagsiklab ng apoy.

AUTHOR PROFILE