P3M de lata nasabat
MAHIGIT P3 milyong halaga ng mga hindi rehistradong de-latang luncheon meat ang sinamsam ng mga awtoridad sa isang bodega na nagresulta din sa sa pagkakadakip sa apat na tao noong Miyerkules sa Taguig City.
Magkasanib na puwersa ng District Special Operations Unit ng Southern Police District (DSOU-SPD), Taguig Police Station, at kinatawan ng Food and Drug Administration (FDA) ang sumalakay sa bodega sa Veterans Center sa Taguig City dakong ala-1:30 ng hapon bunga ng paglabag sa R.A. 9711 (FDA Law).
Ayon kay SPD Director P/BGen. Leon Victor Rosete, ikinasa ang pagsalakay sa bisa ng search warrant ni Taguig Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Mariam Guzon Bien ng Branch 153.
Nadakip ang negosyanteng may-ari na si alyas Angelica, 29, ang cashier/secretary na si alyas Kristine, 44, at dalawang bodegerong sina alyas Mhar, 33, at alyas Joey, 41, habang nakatakas naman at tatlo pang sina alyas Jinky, Harry, at Insu.
Sa naturang joint operation ng pulisya at FDA, umabot sa 1,355 na kahon ng hindi rehistradong luncheon meat na nagkakahalaga ng P3,252,000, markadong salapi na ginamit ng nagpanggap na buyer at mga resibo sa mga ibinentang produkto ang nakumpiska ng mga awtoridad.
Naglabas din ng Report of Violation ang FDA sa ginawang paglabag ng naturang establisimiento sa ilalim ng kanilang “Oplan Katharos” dahil sa kawalan ng kaukulang lisensiya sa kanilang operasyon at pagbebenta ng hindi rehistradong produktong pagkain.