P395M smuggled na sigarilyo, winasak sa Pagadian City

December 14, 2022 Zaida I. Delos Reyes 79 views

UMAABOT sa P395 milyong halaga ng “smuggled” na sigarilyo ang winasak sa Pagadian City, Zamboanga Peninsula bilang simbulo sa pagkundina sa ilegal na gawain.

Ang pagwasak sa mga kontrabando ay isinagawa nitong Martes, Disyembre 13 sa provincial government complex sa Barangay Baliwasan, Pagadian City sa pangunguna ng Bureau of Customs (BOC).

Ayon kay Armed Forces of the Philippines-Western Mindanao Command (AFP-Wesmincom) Public Affairs Office (PAO) Chief Lt.Col. Abdurasad D. Sirajan, kabilang sa mga sinira ang may 11,219 master cases ng sigarilyo.

Sinabi ni Segundo Sigmundfreud Barte, Jr., district collector ng Port of Zamboanga, ang naturang mga sigarilyo ay nakumpiska sa serye ng anti-smuggling operations sa Zamboanga Peninsula, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi mula Mayo hanggang Nobyembre 2022.

“This is the second condemnation activity this year. We had the first one in May whereby P110 million worth of illicit cigarettes was destroyed,” pahayag ni Barte.

Aniya naging matagumpay ang operasyon sa tulong ng Task Force for Anti-Smuggling in ZAMBASULTA (Zamboanga Peninsula, Basilan, Sulu, Tawi-Tawi) na kinabibilangan ng mga kinatawan mula sa AFP, Philippine Coast Guard (PCG), Philippine National Police (PNP), Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Bureau of Internal Revenue (BIR), at local government unit.

Ang mga kontrabando ay unang binihusan ng tubig ng mga bumbero at dinurog sa pamamagitan ng payloader.

Sa Zamboanga City, sinira din ang mga nakumpiskang smuggled na sigarilyo sa sanitary landfill sa Bgy. Sulaan.