Sigarilyo Iniinspect ng mga otoridad ang mga nakumpiskang sigarilyo

P38M smuggled cigarettes nakumpiska ng BOC

June 13, 2021 People's Tonight 654 views

UMAABOT sa P38.1 milyong halaga ng mga puslit na sigarilyo ang nakumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Customs-Manila International Container Port (BOC-MICP) sa isang operasyon na ikinasa noong Biyernes, bilang bahagi pa rin ng pagpapaigting nila sa kanilang anti-smuggling campaign.

Ayon sa BOC, ang shipment, na naglalaman ng 1,090 master cases ng sigarilyo, na may iba’t ibang brands gaya ng Marvel, Mighty, at Astro, ay naka-consigned sa Green Nature Alliance Ventures.

Sinabi ni Alvin Enciso, hepe ng Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP), na ang naturang shipment ay isinailalim nila sa 100% physical examination matapos na isyuhan ng pre-lodgment control order (PLCO) ni MICP District Collector Romeo Allan R. Rosales.

“There was already derogatory information before the lodgment of goods declaration. That was the basis of the PLCO. We acted on it based on the information that we received,” dagdag pa niya.

Nabatid na sinimulan ng BOC ang implementasyon ng PLCO simula nang manungkulan si Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero.

Aniya, dapat itong gamitin bilang instrumento o tool para matiyak na ang tamang pamamaraan sa valuation ng mga goods ay naoobserbahan.

Siniguro naman ni Enciso na ang mga tamang proseso hinggil dito ay naipapatupad dahil ang 100% physical examination ng shipment ay sinasaksihan ng mga miyembro ng Enforcement and Security Service (ESS) at ng Formal Entry Division (FED).

Matapos ang eksaminasyon, isang Warrant of Seizure and Detention (WSD) ang iiisyu laban sa shipment para sa posibleng paglabag sa Section 1400 in relation to Section 1113 ng Republic Act 10863, o mas kilala sa tawag na Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), at sa National Tobacco Authority (NTA) regulations at circulars.

Simula nang maging commissioner si Guerrero, nagtakda na siya ng mga pamamaraan at mga polisiya na makatutulong para masugpo ang smuggling sa bansa.

“I understand what I was facing when I came here. It has been my goal since before I took office to help stop illegal smuggling in the country. It would be a huge benefit to our economy to stop these illegal activities in our ports,” aniya.

“We still need to do more but with the commitment and hard work of our men, we’re hopeful that the day will come that smuggling will be a distant memory,” dagdag pa ni Guerrero.

Ang MICP, na nananatiling nasa forefront ng border security sa bansa, ay nananatiling committed sa pagsusumikap ng Customs’ chief na mapatigil na ang pagpasok ng mga smuggled goods, kasabay nang pangakong higit pang palalakasin ang intelligence at enforcement efforts sa mga pantalan.

Higit pang pinaigting ng ahensiya ang kanilang anti-smuggling efforts nitong mga nakalipas na buwan, at sa nakalipas na tatlong linggo lamang ay nakakumpiska sila ng tatlong container na naglalaman ng mga smuggled luxury vehicles mula sa Japan at Dubai, na nagkakahalaga ng milyun-milyong piso.

AUTHOR PROFILE