
P34.11M halaga ng vape products sinira ng BOC
BILANG bahagi ng mas pinaigting na pagsisikap ng pamahalaan na pangalagaan ang kalusugan ng publiko at tiyakin ang pagsunod sa mga pambansang regulasyon, winasak ng Bureau of Customs (BOC), sa pamamagitan ng BOC-Ninoy Aquino International Airport (NAIA), ang 159,830 piraso ng vape products na nagkakahalaga ng PhP 34,112,500 sa Cavite noong Enero 17 at 20, 2025.
Ang mga kargamento ay kinumpiska matapos maglabas ng Warrants of Seizure and Detention (WSD) dahil sa paglabag sa Republic Act No. 11900, alinsunod sa Department Administrative Order No. 22-16 ng Department of Trade and Industry (series of 2022), at Section 1113 (f) kaugnay ng Sections 117 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Ang pagwasak ay isinagawa katuwang ang Auction and Cargo Disposal Division (ACDD), Enforcement and Security Service (ESS), at Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS).
Bilang pagsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na bigyang-prayoridad ang kalusugan ng publiko at pambansang seguridad, nangako ang BOC na na patuloy na gagampanan ang mahalagang tungkulin nito na pangalagaan ang bansa laban sa mga ilegal at mapaminsalang produkto na nagbabanta sa kapakanan ng bansa at mamamayan nito.
“This condemnation underscores our commitment to protect public health and ensure compliance with our laws,” ani BOC Commissioner Bienvenido Y. Rubio.
Pinuri rin ni District Collector Yasmin O. Mapa ang kahalagahan ng pagkakaisa sa pagitan ng mga yunit ng Customs at regulatory agencies upang agad na masira ang mga produkto na hinid sumusunod sa itinakdang regulasyon, at pagtupad sa pangako ng BOC-NAIA na maigting na babantayan ang border ng bansa at itataguyod ang kapakanan ng mamamayan.