
P25.3M shabu naharang sa Malaysian nat’l ng BOC-NAIA
NAHARANG ng Bureau of Customs (BOC) Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang pagpasok ng 3.722 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P25.3 milyon na dala ng isang Malaysian.
Dumating ang Malaysian sakay ng Ethiopian Airlines Flight ET 644 at nanggaling sa Madagascar at dumaan sa Addis Ababa.
Sumailalim umano sa screening ang bag ng pasahero at napansin ang kakaibang laman nito sa x-ray screening kaya isinailalim din ito sa physical examination. Dito nadiskubre ang 3.722 kilo ng Methamphetamine na nakatago umano sa ilalim ng lining ng bag.
“This apprehension is a product of the strengthened commitment of our officers to protect our borders from the entry of illicit goods. I commend the Port and our partner agencies in this successful interdiction and suppression of drug smuggling,” sabi Commissioner Bienvenido Y. Rubio.
Ang pasahero ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Drug Act, at Republic Act No. 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Sa ilalim ng pamumuno ni District Collector, Atty. Yasmin O. Mapa, nangako ang BOC-NAIA na patuloy nitong paiigtingin ang pagbabantay laban sa mga kontrobandong ipinapasok sa bansa.