
P240K natangay sa aggie store sa Cabanatuan
UMAABOT sa mahigit P240,000 ang nanenok ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek noong Lunes sa isang agricultural supply store sa Cabanatuan City.
Sa ulat kay Police Regional Office (PRO)-3 director Brig. Gen. Jose Hidalgo Jr., pinalalagay na ninakawan madaling araw ng Lunes ang JRT RIGOR Agri-Supply sa Purok 1, Bgy. San Isidro, Cabanatuan City.
Ipinaalam ng complainant na si Christine Marie Rigor, 41, sa pulisya ang insidente.
Lumabas sa pagsisiyasat na dalawang lalaki ang nakapasok sa pamamagitan ng puwersahang pagbukas ng roll-up door ng tindahan at saka dinala ang sari-saring binhi at insecticides mula sa display area na nagkakahalaga ng P242,520.
Samantala, isang babae ang inaresto noong Linggo dahil sa paglabag sa anti-bouncing check law sa Tarlac City.
Sinabi ng Tarlac City police na inaresto batay sa warrant of arrest na inilabas ng Tarlac City MTCC Branch 2 dahil sa paglabag sa Batas Pambansa Blg. 22 si Michelle Joan Capili, 43, ng Block 1, Bgy. Sta Cruz, Tarlac City.