Default Thumbnail

P200k para sa Sariaya kapitan killer info

July 9, 2023 Zaida I. Delos Reyes 229 views

AABOT sa P200,000 pabuya ang inaalok ng lokal na pamahalaan ng Sariaya, Quezon sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon upang maaresto ang suspek sa pagpatay sa kapitan ng Barangay Guisguis-San Roque ng nasabing bayan.

Batay sa ulat ng PNP, nasawi ang biktimang si Benedicto Robo, 62, matapos na pagbabarilin ng suspek na si Marvin Fajarda Flores nitong Biyernes.

Kumakain umano ang biktima sa labas ng basketball court ng barangay nang lapitan ng suspect at pinagbabaril nang malapitan.

Matapos ang insidente, tumakas ang suspect habang isinugod ang biktima sa ospital kung saan ito namatay.

Napag-alaman na bago ang pamamaril, pinagsabihan ng kapitan ang suspek dahil sa hindi magandang ugali nito tuwing malalasing.

Nauwi sa pagtatalo ang usapan hanggang sa umalis na lamang ang kapitan subalit lingid sa kanyang kaalaman ay sinundan siya ng suspect.

Sa kasalukuyan, patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang bigyang linaw ang insidente.