Products Nabatid na naging mabilis ang aksiyon ni Alvin Enciso, hepe ng CIIS-MICP, sa impormasyong natanggap na nagresulta sa pagkakakumpiska ng counterfeit items at smuggled products.

P2.3B halaga ng ukay-ukay, counterfeit items nakumpiska ng BOC-MICP

July 23, 2021 People's Tonight 232 views

NAKUMPISKA ng mga tauhan ng Bureau of Customs-Manila International Container Port (BOC-MICP) ang may P2.3 bilyong halaga ng mga smuggled ukay-ukay o used clothings, na kinabibilangan pa ng mga counterfeits ng mga luxury-brand items mula sa isang bodega sa Valenzuela City.

Ang operasyon ay bahagi ng pinaigting na anti-smuggling campaign ng BOC-MICP na naging posible sa pamamagitan ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) at koordinasyon sa Enforcement and Security Service (ESS) ng Port, Philippine Coast Guard (PCG), at Presidential Anti-Corruption Commission (PACC).

Nabatid na naging mabilis ang aksiyon ni Alvin Enciso, hepe ng CIIS-MICP, sa impormasyong natanggap na nagresulta sa pagkakakumpiska ng counterfeit items at smuggled products.

“You know, in this job, you have to move fast. These smugglers are creative and resourceful so if you have no sense of urgency, you aren’t going to catch them red-handed. Whenever we receive information about a possible smuggled shipment, we are very keen to act on it as soon as possible,” aniya.

Kaagad rin namang nag-isyu si Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero ng Letter of Authority (LOA) kaya’t nakapagsagawa sila ng agarang inspeksiyon sa warehouse sa Mayzan, Valenzuela City.

Sa inspeksiyon, nadiskubre ng composite team ang mga counterfeit items ng mga luxury brands na Nike, Louis Vuitton, at Christian Dior, gayundin ang mga illegally imported na pakete ng mga used clothing, face masks, at iba pang imported items.

Matapos ang inspeksiyon at pagkakakita ng pruweba ng mga smuggled products, naglabas naman kaagad si MICP District Collector Romeo Allan R. Rosales ng Warrant of Seizure and Detention para sa paglabag sa Section 224 in relation to Section 219 ng RA 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

Ang CMTA ay tumutukoy sa misdeclaration at misclassification ng mga goods sa isang shipment na nagreresulta sa hindi tamang pagbabayad ng buwis at pagkalugi ng pamahalaan.

Nabatid na ang mga country representatives ng Nike at Louis Vuitton ay nag-inspeksiyon rin sa mga counterfeit items.

Naniniwala naman si Rosales na ang illegal trade ng mga face masks nang walang kaukulang permits at lisensiya ay mayroong negatibong epekto sa public health.

Ang smuggling naman ng mga used clothing ay magkakaroon rin ng impact sa local clothing industries.

Tiniyak naman niya na mananatiling committed ang BOC upang tugisin at kumpiskahin ang mga prohibited goods na ipinapasok sa mga pantalan ng bansa.

Naniniwala rin ang BOC-MICP na ngayong nagsisimula nang muling magbukas ang ekonomiya sa kabila ng pandemya ng COVID-19, ay mas marami pang smugglers ang magtatangkang ilegal na magpasok ng kanilang produkto sa bansa.

Gayunman, siniguro ni Guerrero na hindi nila palulusutin at babantayang mabuti ang mga naturang ilegal na aktibidad sa BOC ports sa buong bansa.

“We’re beginning to see the economy pick up. The local industries need all the help they can get from government agencies. We need to do our part in ensuring security and equality in the market. For us, this means curbing the trade of prohibited goods and making sure our local industries will thrive in the new normal,” anang bureau chief.

AUTHOR PROFILE