P17M benepisyo para sa nagbalik-loob sa CL

October 16, 2021 Christian D. Supnad 155 views

TARLAC CITY – May kabuuang P17 milyon halaga ng benepisyo sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ang naipamahagi para sa mga naisurender na armas ng mga nagbalik-loob sa pamahalaan sa Gitnang Luzon.

Iba pa rito ang P645,000 para sa mga isinukong armas ng mga dating rebelde.

Ayon kay Department of the Interior and Local Government Region 3 Monitoring and Evaluation Division Chief Lerrie Hernandez, nahahati ang halagang ito sa lahat ng sumuko mula 2018 hanggang 2021.

Aniya sa kabuuan ay may 230 dating kasapi ng New People’s Army (NPA) at 158 dating bahagi ng Militia ng Bayan (MB) ang sumuko na sa buong rehiyon.

Kasama sa tumanggap ng pinansiyal na tulong ang may 61 NPA at 7 MB na sumuko sa Aurora, 113 NPA at 120 MB sa Nueva Ecija, 28 NPA at 19 MB sa Pampanga, 22 NPA at 6 MB sa Tarlac, at 8 NPA at 6 MB sa Zambales.

Bukod dito, may 95 na inaasahan pang mabibigyan ng benepisyo sa E-CLIP.

Dagdag pa rito, may iba’t ibang programang ipinatutupad ang mga lokal na pamahalaan at ibang pang ahensya upang matulungan ang mga nagbalik-loob na magsimulang muli ng buhay malayo sa kanilang nakagisnan.

Nauna dito, nanawagan si Gen. Marcelo Burgos, NOLCOM commander, sa mga rebelde na sumuko na lang at mamuhay ng mapayapa.

Samantala, pinangungunahan ng Task Force Balik-Loob ang pagsubaybay sa mga dating rebelde upang masigurong walang sumuko ang muling babalik sa kanilang grupo.

Ani Hernandez, walang naitalang dating rebelde na bumalik sa pagsuporta sa Communist Party of the Philippines-NPA-National Democratic Front sa rehiyon.