Default Thumbnail

P170K nakumpiska sa babaeng ‘pusher’ sa QC

April 23, 2023 Melnie Ragasa-limena 214 views

Arestado ang isang babaeng pusher matapos makuhanan ng aabot sa P170,000 halaga ng shabu sa isang buy bust operation sa lungsod Quezon nitong Linggo ng umaga.

Ang suspek na si Rose Anne Camacho, 35 taong gulang at residente ng Brgy. Commonwealth, Quezon City ay naaresto bandang 3:00 ng umaga, April 23, 2023 sa kahabaan ng Lanzones St., Brgy. Payatas, Quezon City.

Sa report ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) ng Quezon City Police District isinagawa ang entrapment operation matapos makatanggap ng report mula sa isang concerned citizen tungkol diumano sa pagbebenta ng illegal na droga ng suspect.

Nakumpiska mula sa supek ang 25 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng Php170,000.00, cellular phone at ang buy-bust money.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa R.A. 9165 or the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Quezon City Prosecutor’s Office.

“Binabati ko ang DDEU operatives sa kanilang patuloy na operasyon laban sa iligal na droga. Ito ay malaking kontribusyon upang mapanatili nating ligtas at payapa ang lungsod Quezon. Makakaasa kayo na buo ang aking suporta sa lahat ng inyong trabaho laban sa mga iligal na mga gawain,” saad ni PBGEN Nicolas Torre III.