Allan

P17.8B utang ng Maynila kalbaryo ni Mayor Honey

September 13, 2024 Allan L. Encarnacion 147 views

KUNG minsan hindi natin alam kung saan humuhugot ng pasensiya si Manila Mayor Honey Lacuna.

Maraming mga tao sa paligid ni Mayor Honey ang tingin ng iba ay umaabuso na subalit palaging naroon ang benefit of the doubt mula sa alkalde.

May nga narinig tayong department heads na nagkakaproblema sa koleksiyon ng kanilang tanggapan. Inaral mabuti ni Mayor kung bakit napakalaki ng shortage sa collection para sana makatulong sa pondo ng lungsod.

Nang madiskubre niya na nasa 27% lang ang nakukulekta, kinailangan niyang imbestigahan kung bakit nagkaganoon. Maraming nagsasabi kay Mayor na sabotahe ang lakad ng mga taong masyadong mababa ang koleksiyon pero hindi ganoon ang pagtingin ng alkalde.

Pero ang balita natin, matapos ang pag-aaral ni Mayor at nagkaroon ng pagbabago ng sistema sa naturang departamento, umabot na sa 83% ang naipapasok nito sa kaban ng lungsod. Imagine, kung P100 million ang dapat na koleksiyon, nasa P27 million lang ang pumapasok. Nasaan napunta ang nawawala? Kaninong bulsa kaya ang kumapal?

Ang totoo, hindi naman ang koleksiyon ang gusto nating tumbukin sa isyung ito. Doon tayo tumitingin kung gaano kapalad ang mga mamamayan ng Maynila sa pagkakaroon nila ng ganyang klase ng alkalde. Magaling na manager pero hindi maangas, magaling na lider pero walang hangin sa ulo at “nanay” talaga ang dating niya sa mga mamamayan.

Maging ang mga negosyante ng kapitolyo ng bansa ay positibo ang pagtingin sa liderato ni Mayor Honey. Mula sa Binondo business district, sa Malate at sa iba pang area ay nagkakaroon ng common assessment sa Lacuna leadership: disente at mataas ang integridad.

Maganda ring nabigyan ng pagkakataong makatikim ang Maynila ng isang lider na Lacuna. Nanghihinayang nga ako sa erpat niyang si Vice Mayor Danny na hindi nagkaroon ng tiyansang maging alkalde. Mahaba ang history ng “bangketa friendship” namin ni Boss Danny kasi sobrang down to earth nito.

Nasa Remedios sa Taft Ave pa opisina namin ng Lider newspaper noong mga 1990s ay palagi ko nang nakakasalumuha si VM Danny dahil marami kaming common friends. Ang nakuha ni Mayor Honey kay VM Danny ay bungingis at madaling patawanin pero seryoso kapag pamamahala na ang usapan.

Iyong galing ni VM Danny na hindi natikman ng Maynila ay nabitbit ni Mayor Honey. Iyong pagiging sincere sa governance at walang bahid na pangalan ang malaking asset ni Mayor Honey kaya naniniwala akong jackpot sa kanya ang mga mamamayan.

Sa nakaraang liderato ni Mayor Honey mula 2022, nakita ang kanyang maaayos na pamamahala kahit gipit na gipit ang lungsod na baon sa P17.8 billion pagkakautang ng nakaraang administrasyon. Imagine, isa kang nanay na buwan-buwan. nagbabayad ka ng hindi mo naman utang pero alam mo kung paano pagkakasyahin ang budget sa bahay.

Marami pa ring nagawa si Mayor Honey kahit kapos na kapos sa pondo dulot ng pagbabayad sa mga dapat ay obligasyon ng iba! Pamanang kalbaryo ito kay Mayor Honey pero kinakaya naman.

Kung ibang lider lang itong si Mayor Honey, baka sa halip na magbayad, mas lalo pang dadagdagan ang utang kasi nga lungsod naman ang magbabayad. Maraming ganyang lider, mga walang pakialam sa kinabukasan ng kanilang nasasakupan.

Ang alam ko nasa P2.30 billion na ang nababayaran ni Mayor Honey magmula nang maging alkalde siya. Marami pang plano si Mayor sa lungsod na magkakaroon ng katuparan sa kanyang next term dahil posibleng mas maayos na ang fiscal status nila by that time.

Go Mayor Honey, tuloy lang ang laban para sa kaayusan at kaunlaran ng Maynila!

[email protected]