BOC Pinasok ng mga tauhan ng BOC ang mga warehouse sa bisa ng Letters of Authority (LOA) na pirmado ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio.

P120M halaga ng seafood, poultry items nasabat ng BOC sa Navotas

March 20, 2023 People's Tonight 190 views

UMABOT sa P120 milyong halaga ng poultry at seafood product na pinaniniwalaang smuggled ang kinumpiska ng Bureau of Customs sa serye ng operasyon sa pitong warehouse sa Navotas.

Pinasok ng mga tauhan ng BOC ang mga warehouse sa bisa ng Letters of Authority (LOA) na pirmado ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio.

Nakita sa mga warehouse ang mga frozen product gaya ng pork legs, chicken drumstick, pork sparerib, squid ring, crayfish, tenga ng baboy, pork hinges, abalone, brawley beef, pork aorta, chicken feet, pork riblets, golden pampano, pangasius fillet, boneless pork ham, at fish tofu.

Galing umano sa China, Brazil, Australia, Estados Unidos, at Russia ang naturang mga produkto.

Pinuri ni Rubio ang iba’t ibang sangay ng gobyerno na nagtulong-tulong upang maging matagumpay ang operasyon.

Samantala, inilatag ni Rubio ang mga programa nito upang mas mapaganda ang serbisyo ng BOC. Nakalinya umano ang mga programa sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. gaya ng digitalization ng proseso ng ahensya, pag-abot at kung kakayanin ay lagpasan pa ang target na koleksyon, gawing simple at ligtas ang mga proseso ng pangangalakal, sugpuin ang smuggling, at pagandahin ang katayuan ng mga empleyado ng ahensya.

Inilatag ni Rubio ang mga programa sa isinagawang Stakeholders’ Night kung saan kinilala rin ang mga top importer noong 2022.

Sa naturang event ay kinilala rin ni Finance Secretary Benjamin Diokno ang presentasyon ni Rubio.

Inanunsyo rin ng BOC ang pagtatayo ng isang Advisory Council kung saan mapag-uusapan ang mga rekomendasyon at puna ng mga stakeholders upang makagawa ng angkop na pagbabago sa polisiya.

Mula Enero 1 hanggang Marso 13, 2023 ay nakakolekta na ang BOC ng P166.973 bilyon, lagpas sa target nitong P153 bilyon.

AUTHOR PROFILE