Car

P10M smuggled luxury vehicles nakumpiska ng BOC sa MICP

May 27, 2021 People's Tonight 219 views

Porsche, Benz, Toyota sports cars kasama sa mga nakuha

KINUMPISKA ng Bureau of Customs (BOC) kamakalawa ang apat na luxury vehicles na nagkakahalaga ng P10 milyon at nadiskubreng nakatago sa likod ng mga ukay-ukay na nakasakay sa isang container van nang dumating ito sa Manila International Container Port (MICP).

Ang naturang apat na smuggled luxury sports vehicles ay binubuo ng isang Porsche Boxter Sports Car, isang Mercedes Benz SLK Sports Car, at dalawang Toyota MR-S Sports Cars, na pawang galing sa bansang Japan at naka-consigned sa JLFDM Consumer Goods Trading.

Ayon kay Alvin Enciso, hepe ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS)-MICP, ang operasyon ay bahagi ng anti-smuggling campaign ng ahensiya, na naglalayong hulihin ang mga smugglers ng mga luxury vehicles sa bansa.

“We received derogatory information on the shipment before it arrived in our port. That was the basis of the request for PLCO (Pre Lodgment Control Order), so it is easier for us to inspect the shipment once it arrives,” paliwanag ni Enciso.

Nabatid na ang PLCO ay inisyu bago ang aktuwal na paglalabas sa mga goods mula sa kustodiya ng BOC.

Ang PLCO ay isang written order mula sa Customs commissioner o port district collector na nagpapahintulot para sa pagsasagawa ng physical examination ng shipment.

Nakatanggap umano ang CIIS-MICP chief ng impormasyon noong Mayo 14 at hiniling kay MICP District Collector Romeo Rosales na magpalabas ng PLCO para sa shipment.

Nang dumating ang barkong kinalululanan nito noong Mayo 24, kaagad na hiniling ni Enciso ang pagsasagawa ng physical inspection sa container noong Mayo 26.

Nang inspeksiyunin ang container, dito na nila nadiskubre ang mga luxury vehicles, na nakatago sa likod ng may 40 bundles ng mga ukay-ukay.

“Clearly, there was an intention to not declare these items. This is something that we have to be extra watchful about,” anang opisyal.

Nakatakda nang magpalabas ang mga awtoridad ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) laban sa shipment para sa posibleng paglabag sa Section 1400 ng Republic Act 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

Kaugnay nito, tiniyak naman ng BOC na mananatiling mahigpit ang border security ng bansa dahil sa commitment at pagsusumikap nitong labanan ang mga smugglers, alinsunod na rin sa istriktong anti-smuggling policies ni Commissioner Rey Leonardo B. Guerrero.

“The message is we will not stop. We’ll continue manning the borders, apprehending smuggling operations, and enforcing the country’s laws. Even the pandemic has not slowed us down,” ayon pa kay Guerrero.

AUTHOR PROFILE