Default Thumbnail

P10.6M na sigarilyo nasakote ng BoC!

April 18, 2021 Vic Reyes 325 views

HINDI na yata talaga titigil sa pagpupuslit ang mga tusong negosyante.

Kagaya na lang ng mga ismagler ng sigarilyo.

Kamakailan ay nakasakote na naman ang mga otoridad ng mga puslit na sigarilyo sa Zamboanga City.

Sakay ng MB Princess Amina, ang mga kontrabando ay nagkakahalaga ng P10.6 milyon.

Ang barko ay paalis pa lang ng Jolo, Sulu nang makatanggap ng importasyon ang Port of Zamboanga na may lulan itong kontrabando.

Sa tulong ng Naval Forces Western Mindanao, nagkasa ang CIIS at ESS-Customs Police Division ng Port of Zamboanga ng operasyon .

At nagresulta nga ito sa pagkakatimbog ng mga sigarilyo sa karagatan ng Barangay Sinunuc sa Zamboanga City.

Samantala, sinira ng Port of Zamboanga ang mga puslit na sigarilyo na nagkakahalaga ng P50 milyon.

Ang mga sinirang sigarilyo ay nasakote ng BoC noong nakaraang Disyembre.

Sinabi ni Port of Zamboanga District Collector Segundo Sigmundfreud Barte, Jr. na ang mga sigarilyo ay itinapon sa sanitary landfill ng syudad.

Ito ay pagkatapos na padaanan ng pison at sabuyan ng langis at tubig.

Tama lang ang ginagawa ng BoC na pagsira sa mga puslit na sigarilyo.

Huwag natin kalimutan na may kampanya ang gobyerno laban sa paninigarilyo.

Sa totoo lang, maraming tao ang namamatay dahil sa paninigarilyo.

****

Dinadala ng Bureau of Customs ang kanilang serbisyo sa mga probinsya.

Ito ay para lalong mapalapit ang gobyerno sa taumbayan.

Kamakailan lamang ay nagsagawa ang Port of Batangas ng isang Webinar on importation of motor vehicles.

Ito ay para mahikayat ang publiko na pasiglahin ang importation pero kailangang malaman ng publiko kung paano bumili ng sasakyan sa labas ng bansa.

Ang mga resource speaker ay sina Eloisa P. Suarez at Evangeline P Guellas, C00 V at C00 3, ayon sa pagkakasunod.

Ang Webinar ay uploaded sa opisyal na Facebook page ng Port of Batangas, ayon kay District Collector Ma. Rhea M. Gregorio.

Kagaya ni Pangulong Duterte, si Collector Gregorio ay tapos ng abogasya sa San Beda.

****

Katulad ng maraming Pinoy, hindi natin alam kung kailan tayo babalik sa normal na pamumuhay.

Oo nga’t meron ng bakuna, pero ang masakit, wala pang gamot ang COVID-19 at patuloy ang pagtaas ng kaso ng tinatamaan ng salot na sakit.

Isa pa ang bakuna ay hindi garantiya na hindi ka na dadapuan ng sakit.

Kaya ang tanging magagawa natin ay mag-ingat.

Kung hindi rin lang kailangan ay huwag na tayong lumabas ng bahay.

Sumunod sa lahat ng health protocols.

Huwag tayong pasaway!

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:[email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE