Mendoza Beep Transport Chairperson and President Atty. Vigor Mendoza II. File Photo

P1 dagdag pasahe hindi sapat – 1-UTAK

June 9, 2022 Jun I. Legaspi 330 views

HINDI sapat ang P1.00, gayunpaman salamat pa rin!”

Ito ang sinabi ni Atty. Vigor “Mr. Transportasyon” Mendoza II, chairman at presidente ng 1 United Transport Alliance Koalisyon (1-UTAK) sa psiong dagdag pamasahe na inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Huwebes.

Ang dagdag P1 pamasahe ay ipapatupad ngayong araw ng Biyernes, Hunyo 10 sa mga lugar ng Metro Manila, Region 3 (Central Luzon), at Region 4 (Southern Tagalog) ayon sa kautusan ng LTFRB.

Ang minimum na pamasahe ay magiging P10 para sa unang apat na kilometro ng biyahe.

Ayon kay Mendoza, isa sa mga primary petitioner sa dagdag pamasahe, ang “wish” sana ng industriya ng pampublikong transportasyon ay “yung P5 petition of fare hike ang inapruban ng LTFRB na tiyak na sagot sa taas ng presyo ng krudo at gasolina.”

Dagdag pa niya, sa pag-aaral nila, ang P1 dagdag pamasahe ay “latak” lamang pa nga kumpara sa P79 kada litro na presyo ng diesel at halos P87 naman sa presyo ng gasolina.

“Itong P1 provisionary increase na ibinigay ng LTFRB [ay] P45 per liter pa ang diesel [nung] hinihingi na namin – ngayon P79 na per liter ang diesel kaya kahit anong kuwenta mo talagang wala… wala talaga, but ‘good gesture’ eto pero sana yung P5 increase na hiling namin ang naibigay bilang sagot sa sobrang taas ng presyo ng petrolyo,” saad ni Mendoza II.

Ayon naman sa LTFRB, nagsagawa sila ng “emergency meeting” at inaprubahan ang P1 provisional increase na hiling ng grupo nila Mendoza bilang sagot sa pinakahuling increase ng diesel sa P6.55 kada litro at P2.70 naman sa gasolina.

“Halos P34 ang hinahabol kaya [dahil] talagang halos walang ‘lakas’ yung P1 dagdag pasahe,” saad ni Mendoza.

Ayon naman sa Department of Energy (DOE), masusi nilang binabantayan ang galaw ng presyo ng petrolyo sa merkado dahil na rin sa balitang posibleng tumaas uli ang presyo nito sa susunod na linggo.

AUTHOR PROFILE