Default Thumbnail

P1 dagdag pamasahe sa dyip malabo pa

March 8, 2022 Jun I. Legaspi 482 views

HINDI pa sigurado ang transport groups kung maibabalik ang hiling nilang P1.00 dagdag na pamasahe para maibalik sa orihinal na P10.00 ang regular fare sa Metro Manila, Southern Tagalog, at Central Luzon mula sa kasalukuyang P9.00 pamasahe.

Sa Online En Banc public hearing ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kasama ang mga transport group petitioners, walang tiyak na petsa kung kailan maibabalik ang hiling P1.00 pamasahe

Itinakda naman muli sa March 22,2022, Martes alas-9 ng umaga ang pagdinig sa orihinal na petisyon sa P5.00 dagdag pamasahe.

Ayon kay Atty. Greg Pua Jr., counsel ng mga transport group petitioners, dapat ibalik agad at ipatupad ng LTFRB ang P1.00 sa pamasahe para sa original na P10.00 pamasahe.

“Actually wala pang increase, urgent lang dahil sa mataas talaga ang presyo ng diesel hiling ng transport groups ibalik na muna yung P1.00 na inalis para ibalik sa original na P10.00 ang pamasahe habang dinidinig yung original na P5.00 petition namin na maging P14.00 regular na pamasahe,” saad ni Pua.

Ayon kay Pua, ayon sa transport groups makatwiran ang kanilang hiling dahil noong 2018 ang presyo ng diesel ay P49.00, kaya pumayag ang Board sa P10.00 regular na pamasahe at ng bumaba ang presyo sa P47 pumayag ang mga transport group na pansamantalang ibaba sa P9.00 ang regular na pamasahe.

Sa ngayon, halos P60.00 per liter ang presyo ng diesel “makatwiran naman na ibalik na yung P1.00 temporary na inalis at ibalik na sa original na P10.00 ang regular na pamasahe,” ayon sa mga transport group.

Ayon kay Pua, sa susunod na public hearing ipakikita nila sa LTFRB ang lahat ng mga supporting documents at mga statistics kung bakit P5.00 dagdag na pamasahe ang hinihingi ng major transport groups kabilang ang 1-United Transport Koalisyon (1-UTAK), Kilusan ng Pagbabago sa Industriya ng Transportasyon (KAPIT), PASANG MASDA, ALTODAP at ACTO.

AUTHOR PROFILE