Sugar Sa inspeksyon ng BOC ay nadiskubre ang tinatayang aabot sa 181,299 sako– na naglalaman ng 50 kilo kada sako– ng mga imported na MITR PHOL brand pure refined sugar mula sa Thailand, gayundin ng 197,590 sako—na nasa 50 kilo kada sako– ng local Don Pedro white sugar.

P1.8B halaga ng imported sugar at goods, nadiskubre sa pag-i-inspeksiyon ng BOC sa Batangas warehouse

September 6, 2022 People's Tonight 382 views

UMAABOT sa P1.8-bilyon ang halaga ng mga imported goods, na kinabibilangan ng local at imported na asukal, ang nadiskubre sa isinagawang pag-i-inspeksiyon sa isang warehouse sa Nasugbu, Batangas ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) noong Linggo.

Bahagi ito ng pinaigting na pagsusumikap ng ahensiya upang hanapin ang mga storage facilities na posibleng sangkot sa umano’y hoarding ng asukal.

Armado ng Letter of Authority (LOA) at Mission Order (MO) na inisyu ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz, ang grupo na binubuo ng mga tauhan ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) sa Manila International Container Port, Intelligence units ng Armed Forces of the Philippines (AFP), at Philippine National Police-Crime Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), ay nagtungo sa Central Asucarera Don Pedro sa Brgy. Lumbangan, Nasugbu Palico, Nasugbu Highway, Nasugbu, Batangas kung saan nadiskubre nila ang mga imported goods, kabilang na ang mga imported na asukal.

Ang naturang LOA at MO ay isinilbi sa may-ari/ kinatawan/ administrator/ manager/ lessee/ occupant, o kung sinumang nag-iingat ng mga goods na nakaimbak sa warehouse.

“We consider this a huge breakthrough in our ongoing campaign against sugar hoarding. This may be one of our biggest operations to date since we started inspecting sugar storage facilities,” ayon kay Ruiz.

Sinuri ng grupo ang naturang storage at nadiskubre ang tinatayang aabot sa 181,299 sako na naglalaman ng 50 kilo kada sako ng mga imported na MITR PHOL brand pure refined sugar mula sa Thailand, gayundin ng 197,590 sako na nasa 50 kilo kada sako ng local Don Pedro white sugar.

Nabatid na nakipagtulungan ang composite team sa local police sa Nasugbu at sa barangay personnel sa Barangay Lumbangan bago ang implementasyon ng LOA.

Ang imbentaryo ng mga imported goods at asukal sa bodega ay pangungunahan ng itinalagang Customs examiners at sasaksihan ng CIIS, Enforcement and Security Service (ESS), at mga kinatawan ng bodega.

Gayunman, pansamantala ang mga entrance at exit ng bodega ay ipa-padlock muna at seselyuhan ng grupo.

Kaugnay nito, pinuri naman ni Ruiz ang mga tauhan dahil sa naturang accomplishment, ngunit sinabing kailangan nilang higit pang paigtingin ang kanilang operasyon.

“Clearly, there is more work to do. As big as this inspection is in terms of what we have been focused on for the past couple of weeks, it seems some people or groups or businesses have yet to understand that we are dead serious about this mission,” aniya.

“We aren’t stopping anytime soon, and working together with different government agencies from the police to the military showed what we can do when we pour all our resources and energy into doing what we are mandated to do and what the President had asked from us,” dagdag pa ni Ruiz.

Ang patuloy na inspeksiyon ng mga bodega na pinaniniwalaang nag-iimbak ng asukal ay bunga ng kotrobersiya na nilikha ng paglalabas ng Sugar Order No. 4, na ni-reject ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na tutol sa pag-aangkat ng 300,000 metriko toneladang asukal dahil makaaapekto ito sa mga magsasaka.

AUTHOR PROFILE