MPD

P1.3M shabu nasabat sa Malate

July 21, 2022 Jonjon Reyes 364 views

NALAMBAT ng mga operatiba ng Station Anti-Illegal Drug Enforcement Unit ng Manila Police District (MPD) ang umano’y tulak ng droga, makaraang ilatag ang buy-bust operation at narekober ang mahigit P1 milyong shabu, Miyerkules ng gabi sa Malate, Maynila.

Naaresto ang target ng operasyon na si alias “Boy”, nakatira sa South Superhighway, Paco, Malate, sa Maynila at dalawa umanong kasama at kasabwat nito.

Base sa ulat ni P/Lt. Col. Salvador Tangdol, commander ng MPD-Malate Police Station 9, pasado alas-10:40 ng gabi nang isagawa ang operation sa F. Muñoz St. malapit sa panulukan ng Meding Street sakop ng Bgy. 732, Malate.

Ang operasyon ay buhat na rin ng direktiba ni Brig. Gen. Leo “Paco” Francisco, MPD Director, sa patuloy na kampanya laban sa mga kriminal sa lungsod.

Narekober ang ginamit na marked money at ang shabu na nasa mahigit 12 bulto na plastic sachet na tumitimbang sa 200 gramo at may street value na P1,360,000.

Ang mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Anti-Illegal Drugs Buy-Bust Operation in relation to Station Anti-Criminality Law Enforcement Operation (SACLEO) habang ang mga dokumento nang pag-aresto ay inihanda ni P/Cpl. Jayson Verzosa na siyang may hawak ng kaso at dinala sa Duty Inquest Fiscal sa Manila Prosecutor’s Office Hall.

AUTHOR PROFILE