Caramat1

P1.1M smuggled na sigarilyo, nasabat sa Davao; 6 timbog

May 9, 2023 Zaida I. Delos Reyes 398 views

ARESTADO ang anim na katao matapos makumpiskahan ng P1.1 milyong halaga ng smuggled na sigarilyo ang van na sinasakyan ng mga ito sa isinagawang police operation sa Davao City.

Ayon kay CIDG (Criminal Investigation and Detection Group) chief Brig. Gen. Romeo Caramat Jr., naharang ng mga tauhan ng CIDG-Davao Field Unit at Bunawan Police ang isang Hyundai utility vehicle sa Maharlika Highway, Barangay Ilang, Davao City nitong May 6.

Lulan ng nasabing sasakyan ang 70 master cases ng New Orleans cigarettes na nagkakahalaga ng P1.19 milyon.

Naaresto naman ang anim na suspek na lulan ng van.

Dalawang menor de edad, 13 at 16 taong gulang, ang nasagip ng mga pulis.

“Itong mga suspek, kasama ‘yong dalawang bata, ay nahuli ng ating mga tauhan sa akto na naghahakot ng kahon-kahon nasabing sigarilyo nang walang kaukulang permit,” pahayag ni Caramat.

Dinala ang mga suspek kasama ng kontrabando sa Bunawan Police para sa documentation at kaukulang disposisyon.

Sasampahan ang mga suspek ng paglabag sa Republic Act (RA) 10863 (Customs Modernization and Tariff Act) at RA 10643 (An Act to effectively instill consciousness through graphic health warnings on tobacco products) sa piskalya ng lungsod.