P.9M na smuggled na sigarilyo nasabat sa Zambo Del Sur

December 8, 2022 Zaida I. Delos Reyes 93 views

AABOT sa P.9 milyong halaga ng smuggled na sigarilyo ang nasabat sa isang checkpoint sa Dumingag, Zamboanga del Sur.

Batay sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 9, ang mga kontrabando ay nakumpiska dakong 12:40 ng tanghali sa isang checkpoint sa national highway ng Purok 2, Barangay Dulop.

Binabantayan umano ng mga tauhan ng Dumingag Municipal Police Station (MPS), Zamboanga Sibugay Police Intelligence Unit, Regional Intelligence Division 9, at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Zamboanga del Sur ang checkpoint nang mapadaan ang isang Isuzu Traviz van na naglalaman ng 1,400 reams ng smuggled na sigarilyo na may tatak na “Souvenir” na menthol.

Galing umano ang sasakyan sa Zamboanga City at nang hanapan ng mga pulis ng dokumento ang driver ay wala itong maipakita dahilan upang kumpiskahin ang mga sigarilyo.

Ayon sa ulat, aabot sa P980,000 ang halaga ng mga smuggled na sigarilyo.

Dinala ang mga sigarilyo sa kustodiya ng Bureau of Customs (BOC) habang nasa kurtodiya naman ng Dumingag MPS ang driver ng sasakyan na hindi na pinangalanan.

Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pinanggalingan ng kontrabando.