
P.7M ‘masamang damo’ nakumpiska sa turista
ARESTADO ang isang turista dahil sa P.7 milyong marijuana bricks na nakuha sa pag-iingat niya sa isang checkpoint sa Poblacion, Bontoc, Mountain Province.
Nakilala ang naaresto na si Raymart Flogio Mendoza, 30, ng Tondo, Manila.
Batay sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency- Cordillera, nakatanggap sila ng report na may isang turista na magdadala ng marijuana mula sa Kalinga patungong Baguio City at dadaan sa Mountain Province.
Agad na ikinasa ng PDEA ang operasyon at naglatag ng checkpoint sa tulong ng Mountain province at Kalinga police.
Sa nasabing checkpoint, naaresto ang suspect at ang anim na bricks ng dried marijuana na nagkakahalaga ng P722,640.
Inihahanda na ng mga awtoridad ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa suspek.