Default Thumbnail

P.6M shabu nasabat sa tindera sa Caloocan

June 5, 2023 Edd Reyes 240 views

AABOT sa mahigit P.6 milyong halaga ng shabu ang nakumpiska ng pulisya sa 21-anyos na babaeng vendor umano na kabilang sa grupo ng mga indibidwal na nagsasagawa ng transaksiyon ng iligal na droga Linggo ng gabi sa Caloocan City.

Ayon kay Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta, huling-huli ng mga tauhan ni P/Maj. John David Chua, hepe ng Station Intelligence Section (SIS), ang grupo ng mga indibidwal habang nagsasagawa ng transaksiyon ng iligal na droga na dahilan ng pagkakadakip kay tindera, residente ng Cloverleaf Market sa Barangay Balingasa, Balintawak, Quezon City.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Ponce Rogelio Peñones Jr., nagsasagawa ng paniniktik laban sa mga iligal na gawain ang mga tauhan ni Chua dakong alas-7 ng gabi nang makatanggap sila ng impormasyon kaugnay sa nagaganap na transaksiyon ng iligal na droga sa Phase 12, Riverside, Bgy. 188 Tala.

Nang magtungo sa lugar ang mga pulis, huling-huli nila ang pag-aabutan ng iligal na droga ng mga taong sangkot dito subalit kaagad nagpulasan ng takbo nang makatunog ang pagdating ng mga awtoridad.

Hinabol ng mga pulis ang mga sangkot sa iligal na transaksiyon subalit tanging ang tindera lamang ang kanilang nasakote habang mabilis na nakatalilis ang kanyang mga naka-transaksiyon.

Nakuha sa suspek ang humigit kumulang sa 100 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P680,000 habang nagsasagawa na ng follow-up operation ang pulisya upang madakip ang kanyang mga ka-transaksiyon.

AUTHOR PROFILE