P.5M shabu nakumpiska, 4 na suspek tiklo sa Pasay, P’que

December 1, 2022 Edd Reyes 253 views

MAHIGIT kalahating milyong pisong halaga ng shabu ang nakumpiska ng pulisya sa magkahiwalay na operasyon sa mga Lungsod ng Pasay at Parañaque, Miyerkules ng gabi at Huwebes ng madaling araw.

Dakong alas-2:15 ng madaling araw nang dakpin ng mga tauhan ng Southern Police District Drug Enforcement Unit (SPD-DEU) sa ginawang buy-bust operation ang isang suspek sa Dasa Compound, harapan ng Hontiveros Compoud sa Bgy. San Antonio sa naturang lungsod.

Nakumpiska sa suspek ang humigit-kumulang 52 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P353,600 at ang P500 markadong salapi.

Sa kanyang ulat kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/Brig. Gen. Jonnel Estomo, sinabi ni SPD Director P/Brig. Gen. Kirby John Kraft na mahigit isang linggo rin nilang minanmanan ang suspek bago naisagawa ang operasyon.

Nauna rito, dinakma ng operatiba ng SPD-DEU sa kahabaan ng Road 4, Pildera St. Bgy. 193 sa Pasay City ang magka-anak na tatlong drug suspects nang pagbentahan nila ng shabu ang pulis na nagpanggap na buyer dakong alas-9:20 ng gabi ng Miyerkules.

Nakumpiska sa kanila ang may 30 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P204,000 at buy-bust money.

Pinuri naman ni NCRPO Chief Estomo ang mga tauhan ng SPD-DEU sa ilalim ng pamumuno ni Kraft sa kanilang patuloy na kampanya laban sa ilegal na droga sa mga nasasakupang lungsod.

AUTHOR PROFILE