Default Thumbnail

P.4M shabu nakuha sa drug gang member sa QC

March 20, 2022 Melnie Ragasa-limena 282 views

NALAMBAT ng pulisya ang isang miyembro ng ‘Dimaano Drug Syndicate’ matapos kumagat sa isinagawang buy-bust at nakumpiskahan ng 60 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P408, 000 sa Quezon City, nitong Sabado ng tanghali.

Kinilala ni PBGen. Remus Medina ang nadakip na si Alfred Jerome Sitchon, na may mga aliases na Jerome at Ping Dimaano, 24, residente sa Ilalim ng Tulay sa Brgy. Unang Sigaw, Quezon City.

Ayon kay Talipapa Police Station 3 commander PLt. Col. Alexander Gonzales Barredo, bandang 12:30 ng tanghali (March 19) ng kanilang isagawa ang drug operation sa nabanggit na lugar.

Isang pulis ang bumili ng shabu sa halagang P5,500 at nang magkaabutan ay dito na dinakma ang suspek.

Nakumpiska mula kay Sitchon ang 17 plastic sachets na naglalaman ng 60 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P408,000, weighing scale, cellphone na ginagamit sa iligal na transaksyon at buy-bust money.

Sinabi ni Lt. Col. Barredo na sa pagkakadakip kay Sitchon ay isa na lamang ang natitira sa Dimaano Drug Syndicate na kilala sa alyas na ‘Randy’ makaraan na magkakasunod na maaresto ng QCPD ang mga miyembro nito.

Aniya, ang naturang grupo ay hindi lamang pagbebenta ng illegal drugs ang ginagawa dahil sangkot din ang mga ito sa gun-for-hire, gun for sale at panghoholdap sa National Capital Region (NCR).

Nabatid na ang suspek ay nadakip na rin noong 2019 at nakulong din dahil sa pagbebenta ng marijuana.

Nakapiit na si Sitchon at inihahan na ang kasong paglabag sa RA9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug of 2002 laban sa kaniya.