P.1M shabu nakumpiska sa 2 tulak sa Malabon

May 31, 2021 Edd Reyes 205 views

MAHIGIT sa P.1milyong halaga ng shabu ang nakumpiska ng pulisya sa dalawang tulak ng ilegal na droga, isa rito’y kabilang sa “High Value Target” sa isinagawang buy-bust operation Linggo ng gabi sa Malabon City.

Ayon kay Malabon police chief P/Col. Albert Barot, isang linggong tinugaygayan nina P/Lt. Amadeo Tayag, Jr, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) and aktibidad nina Richard Segovia, 44 ng Bignay St. Brgy. Potrero at kasabuwat niyang si Ronald Arciaga, 36 ng Brgy. Catmon bunga ng natanggap na impormasyon sa patuloy nilang pamamayagpag sa pagbebenta ng ilegal na droga.

Natuklasan din ng mga tauhan ng SDEU na nakatala ang pangalan ni Segovia alyas “Poyong” sa mga listahan ng mga High Value Individual Regional Level ng PNP Drug Enforcement Group (DEG).

Dakong alas-10 ng gabi nang tuluyang bumagsak sa kamay ng pulisya si Segovia at si Arciaga makaraang pagbenthan nila ng P500 halaga ng shabu ang pulis na nagpanggap na buyer sa Industrial Road, Bgy. Potrero na nagresulta sa kanilang pagkakadakip.

Nang kapkapan, nakuha ng pulisya sa kanila ang tinatayang 16 na gramo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P108,800 at ang tinanggap na markadong salapi sa police poseur-buyer.

AUTHOR PROFILE