Default Thumbnail

Ormoc City is safest city

June 26, 2021 Marlon Purification 1354 views

Marlon PurificationTAMA ang nabasa ninyong titulo. Isa sa pinakaligtas na siyudad sa buong Pilipinas ang Ormoc City. Ang taguring ito ay noon pang taong 2018 at napanatili nila ito hanggang sa kasalukuyan.

Kung matatandaan, pag-upo ng Pangulong Rodrigo Duterte noong taong 2016, isa ang Ormoc City sa sinasabing drug capital sa buong Region 8 na binubuo ng probinsiya ang Biliran, Eastern Samar, Leyte, Samar, Northern Samar at Southern Leyte.

Pero dalawang taon ang nakalipas, agad kumilos ang pamahalaang lokal ng Ormoc upang tuldukan ang sinasabing talamak na bentahan ng ipinagbabawal na gamot.

Salamat sa mabuting pamamahala ni Ormoc City Mayor Richard Gomez at salamat din dahil palaging nakagabay sa kanya at nakasuporta ang maybahay na si Leyte (4th District) Rep. Lucy Torres-Gomez.

Pinatunayan ng mag-asawa na hindi lamang modelo at pag-aartista ang kanilang nalalaman dahil sila ngayon ang modelo sa ideyal na pagpapatupad ng ‘good governance.’

Isa sa kanilang prinsipyo ay ang political will na tugunan ang pangangailangan ng mga kababayan sa Ormoc, gayundin ang maayos at sapat na suporta sa lokal na pulisya.

First quarter pa lang ng taong 2018 ay idineklara na ng Philippine National Police Crime Research and Analysis Center ang Ormoc City bilang safest city sa bansa.

Ang bansag na ito ay taas noong ipinagmamalaki ng Ormoc City PNP, gayundin ng Police Regional Office 8 na nakasasakop sa lungsod.

Sabi ng mga police officials sa PRO8, masuwerte ang mga taga-Ormoc dahil todo suporta sa lokal na pulisya si Mayor Goma. Lalo raw silang buwenas dahil kahit si Congresswoman Lucy Torres-Gomez ay personal at walang sawa sa pag-alam kung ano pa ang maibibigay na tulong sa mga alagad ng batas.

Simula nang ideklara bilang Safest City ang Ormoc, dumami ang investors sa lungsod. Nagkataon lang na namerwisyo ang pandemya likha ng COVID-19, ngunit hindi pa rin dahilan ito upang magkaroon sa kanila ng kaguluhan.

Bukod sa mababa ang crime rate, pilit ding tinutugunan nina Ma’am Lucy ang pangangailangan ng kanilang mga kababayan; samantalang ang mga naitatalang COVID-19 cases sa kanilang lungsod ay hindi ganoon kataas kumpara sa ibang bayan at lungsod.

Base sa kanilang datus noong June 23; ang active cases ay 12; recovered patients ay 15 at zero death na ang latest nilang rekord.

Sa naitalang 1,544 total cases; 1,400 ang gumaling; 30 ang namatay at 114 na lang ang aktibong kaso.

Ibig sabihin, hindi lang sa droga at krimen maituturing na ligtas ang Ormoc, kundi pati sa problema ng COVID-19 cases ay nakahihinga ng maluwag ang mga kababayan nina Goma at Ma’am Lucy dahil ‘consistent’ ang ipinatutupad nilang ‘health protocol,’ samantalang maganda at sistematiko ang ginagawa nilang vaccination.

Dahil dito, isa tayo sa humahanga at sumasaludo sa maayos na pamamahala ng mag-asawang Gomez.

 

Nakakatuwang makita ang success ng showbiz royalty na ito sa larangan ng pulitika. Hindi man naging maingay ang kanilang tagumpay, naiintindihan ko kung bakit patuloy na minamahal ng mga taga-Ormoc ang mag-asawa.

Ngayon ay maugong ang pangalan ni Representative Lucy para tumakbo sa Senado; samantalang si Goma ay para sa House of Representatives kaya asahan natin ang mga new breed na politicians ang mananalo sa taong 2022.

In fairness kay Ma’am Lucy, kahit kilala ang kanilang pamilya, napakasimple ng aleng ito. Walang kiyeme sa katawan, malumanay magsalita at ramdam mo agad sa kanya ang babaing may mabuting puso at matalinong nilalang.

Marami na akong kilala, asawa lang ni Senator o Congresswoman, pero daig pa ang donya kung umasta at magpaka-prima donna.

Samantalang si Lucy, hindi na kailangang magpaganda kasi ang loob at labas ng pagkatao nito ay sadya nang maganda.

Ika ‘nga, si Ma’am Lucy ang tunay na may tangan ng Beauty and Brains.

At kahit ang mga anak nito ay tulad ng kanilang magulang na simple at hindi pa nasasangkot sa anumang iskandalo.