Dolor Si Oriental Mindoro Gov. Bonz Dolor kasama si Bise-Gov. EJ Falcon sa ginanap na press conference tungkol sa Malaria.

OrMin, malaria-free

June 29, 2023 Jojo C. Magsombol 222 views

MAITUTURING na malaria-free ang probinsiya ng Oriental Mindoro dahil imported ang kauna-unahang kaso ng malaria dito noong 2022, ayon sa Department of Health.

Ito ang ipinahayag ni Gov. Bonz Dolor sa isinagawang press briefing noong Hunyo 26.

Ayon pa kay Dolor, noong nakaraang taon pa nang ideklara ng DoH bilang malaria-free ang lalawigan ng Oriental Mindoro.

Dahil isang imported malaria case na kaagad naaksyunan at hindi orihinal na nagmula sa sinumang residente ng lalawigan, nananatili pa rin na malaria-free province ang Oriental Mindoro.

Katunayan, magkatuwang na ipinakita ni Dolor at Bise Gobernador Ejay Falcon ang plake na ipinagkaloob ng DoH para sa naturang titulo.

Aniya, isang imported malaria case ang naitala noong June 21 sa lungsod ng Calapan mula sa isang balikbayan na galing sa Cameron, isang bansa sa central Africa.

Na-detect agad ng mga health officials ng lalawigan ang pasyente kaya idineretso sa ospital ang biktima upang lapatan ng lunas. Sa kasamaang palad, namatay agad ang biktima noong Hunyo 25.

Mabilis na pinag-isolate sa mga nakasalamuha nito at iba pang posibleng mahawahan upang maisiguro na wala nang susunod pang maitalang kaso ng naturang sakit, paliwanag ng gobernador.

Tinitiyak din ng pamunuan ng provincial health office ng Oriental Mindoro na nagsagawa na sila ng sustainability plan ukol dito.

AUTHOR PROFILE