Orient

Orient Pearl nagbabalik, bagong lead vocalist malaking sorpresa

November 14, 2024 Eugene E. Asis 160 views

NAKILALA ang bandang Orient Pearl noong 90s dahil sa kanilang awiting “Pagsubok.” Pero nang umalis sa grupo ang kilalang vocalist na si Naldy Padilla, tila nawalan sila ng isang matibay na haligi. Na-disband sila noong 2003, at ang ibang miyembro nito ay naging bahagi ng iba’t ibang banda, tulad ng Asiano, na kung saan naging kasama nila ang mga dating miyembro ng Alamid.

Ngayong 2024, nag-usap muli ang mga dating miyembro ng Orient Pearl para sa isang pagbabalik.

“Nandito uli kami kasi gusto naming mag-share ng music sa masa. Dahil sa song na ‘Pagsubok’ ay maraming na-inspire. Natutuwa kami roon. May pangarap kasi kami at yung hindi lang basta sumikat. Gusto sana naming magbigay ng legacy,” sabi ng kanilang itinuturing na lider ng grupo na si Leo Awatin.

At ang malaking sorpresa, ang bago nilang lead vocalist ay isa ring kilalang frontman, si Rhoneil “Ney” Dimaculangan, ng isang alternative band, ang 6Cyclemind na nakilala naman sa mga awiting “Sige” at “Sandalan.”

Bukod kay Leo (na isang engineer), kasama pa rin nila ang mga dating Orient Pedarl members na sina Budz Beraquit, keyboardist, Ryan Gomez, bassist, at Third Caez, drummer.

Kuwento ni Leo sa isang interview sa 12 Monkeys Bar, siya ang nagbuo ng Orient Pearl (na obviously, ay galing sa Perlas ng Silangan) noong 1993. “Kaklase ko dati si Naldy at ako ang nagkumbinse sa kanya na sumama sa banda,” ani Leo.

Nang magdesisyon si Naldy na magpahinga, wala naman silang samaan ng loob. Naintindihan niya ang kaibigan. Sa totoo lang, aniya, matagal niyang hinimok si Naldy na bumalik sa grupo. Pero ayon dito, gusto na niyang maiba ang takbo ng kanyang buhay. Kung matatandaan, nakarelasyon ni Naldy ang aktres na si Karla Estrada kung kanino siya may isang anak, si Carlito.

Nang hindi na nila talaga mapilit si Naldy na bumalik, nagdesisyon silang magpa-audition para sa bagong bokalista. “Una naming kinuha, babae.Powerful yung boses. Pero lumabas na para lang kaming ordinary showband,” ayon naman kay Budz.

Kaya nga nang pumasok na sa eksena si Ney, nagkaroon ng bagong sigla ang grupo. Sa ngayon, inihahanda na ng Orient Pearl ang isang bagong version ng mga nag-hit nilang awiting “Pagsubok” and Kasalanan.”

Isang bagong awitin din ang ipinarinig nila sa amin, ang “Hari,” na nagbibigay ng mensahe tungkol sa kung ano ang kakayahan natin bilang tao.

“The next song we’re planning is more relatable to Gen Z. Pati yung tunog, pang Gen Z,” ani Leo.

Kasama rin sa plano nila ang makipag-collaborate sa mga kilalang rap artists tulad nina Gloc-9 at Flow G.

Welcome back, Orient Pearl.

AUTHOR PROFILE

Showbiz

SHOW ALL

Calendar