Ordinansang nagbabawal tumulong
NGAYON lang ako nakakita na pagmumultahin ka ng P5,000 kapag nagbigay ka ng tulong sa San Juan City nang hindi nagpapaalam sa kanilang alkalde.
Anong klaseng ordinansa ito na ipinasa ng kanilang konseho?
Nag-iisang polisiya sa lahat ng planeta sa ating solar system. Ewan kung may ganyang ordinasa. sa Uganda or sa Somalia!
Dito mo makikita kung gaano kalaki ang problema ng bansa sa pamumulitika.
Kung ordinansa na ito, ibig sabihin, inaprubahan sa konseho at pirmado na ng bise alkalde bilang presiding officer at pinirmahan na rin ng alkalde.
Mayor Zamora and city council, kailangan nyo itong ipaliwanag sa mga mamamayan ng lungsod.
***
Maraming mortal na magkakaaway sa pulitika sa iba’t ibang panig ng bansa pero sa San Juan lang tayo nakakita ng ganitong klase ng ordinansa.
Sa Caloocan City, kahit alam nila Mayor Along Malapitan at Congressman Oca Malapitan na kakalabanin sila ni former Senator Antonio Trillanes, hindi nila ito pinagbabawalan na mamigay ng tulong sa kanilang mga mamamayan
May ilang buwan nang namamahagi ng tig-2 kilos ng bigas si Trillanes sa iba’t ibang panig ng Caloocan sa tuwing nagpapamiting ito sa mga barangay pero hindi tayo nakarinig na pinagbawalan sila ng mag-amang Malapitan or magpasa ng batas ng katulad ng San Juan.
Kaya lang, ang ginawa ni nila Mayor Along, kakaiba, namimigay naman sila ng tig-5 kilos bigas at may kasama pang mga noodles and canned goods at kung minsan may financial assistance pa.
Ibig sabihin, mas nakikinabang ang mga taga-Caloocan sa kompetisyon sa pulitika at hindi sila napagkakakitan ng tulong dahil sa ordinansa.
Kahit noong nagkalaban sa eleksiyon ng pagkaalkalde sina former Congressman Egay Erice vs Congressman Along Malapitan, wala tayong nakita or nabalitaang pinagbawalan ng mga Malapitan ang pamamahagi ng tulong ni Erice.
Marami na rin akong lugar na naiikutan sa buong bansa, panahon man ng eleksiyon o hindi pero wala pa tayong nakasalubong na ordinansang katulad ng San Juan.
***
Kunsabagay, noong panahon ng pandemic, natatandaan natin na naaresto pa si Senador Jinggoy Estrada dahil namimigay siya ng bangus sa mga tao sa San Juan.
Akala ko kaya inaresto si Senador Jinggoy dahil nilabag niya ang probisyon sa Bibliya: Huwag mo silang bigyan ng isda, turuan mo silang mangisda!
Kakaiba ang San Juan council, puwedeng pang-Guinness Book ang kanilang ordinansa.
Baka puwede rin kayong magpasa ng bagong ordinansa diyan, pagbawalan nyong makapuwesto ang mga pulitikong walang sintido-kumon?