
Ordinansa vs malnutrisyon ipinasa ng Manila SP
NAIPASA na sa ikatlo at huling pagbasa ng Sangguniang Panlungsod (SP) ng Maynila, sa pangunguna ni Vice Mayor Yul Servo Nieto, ang bersiyon ng Republic Act (RA) 11037 o ang “Masustansiyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act,” na naglalayong matugunan ang problema ng mga batang dumaranas ng malnutrisyon sa ginanap na regular na sesyon nito lamang Mayo 25, 2023.
Ang ordinansa, na tatawaging “Masustansiyang Pagkain para sa Batang Maynila,” ang magtatatag ng Manila City Local Feeding Program sa mga daycare centers at pampublikong paaralan na magkakaloob ng hindi hihigit sa isang masustansiyang pagkain kada-araw sa loob ng 120 o higit pang araw kada taon, sa mga batang kulang sa nutrisyon.
Popondohan ang naturang programa mula sa Special Education Fund ng lungsod na ipatutupad ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) sa pakikipagtulungan ng City Health Department (CHD) at ng ahensiya ng pambansang pamahalaan, partikular ang Department of Education (DepEd) at Department of Social Welfare and Development (DSWD).
“Giving good nutrition to a child early in life is essential to his or her future health,” paliwanag ni 4th District Councilor Louisito “Doc Louie” Chua, ang may akda ng ordinansa.
“Most children eat just to satisfy their hunger, without proper regard to their food’s nutritional value,” dagdag pa ni Chua na isa ring medical doctor.
Karaniwang mga sakit sa ngayon, tulad ng labis na katabaan, ay iniuugnay din sa malnutrisyon. Laging ang mga kabataan ang nasa panganib ng malnutrisyon, lalo na’t sila ang may malaking pangangailangan sa masustansiyang pagkain, kumpara sa mga may edad na.
Ang naturang panukalang pangkalusugan ay nakatanggap naman ng suporta sa lahat ng mga konsehal na dumalo sa sesyon.
Ilan sa kanila ang naglahad pa ng kanilang masayang alaala sa feeding program na napakinabangan noong sila’y mga bata pa tulad ng inilahad ni Vice Mayor Nieto na sinariwa ang ipinamamahagi noon na “Nutribun” at gatas noon siya ay nasa elementarya pa lamang.
Ang naturang programa ay inaasahang magiging bahagi ng komprehensibong kampanya ni Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan kaugnay sa pagkakaloob ng ayuda sa mga mahihirap na kababayang Manilenyo.