Default Thumbnail

‘Oplan Biyaheng Ayos’ ng PCG kasado na sa Lenten, SumVac

March 24, 2023 Zaida I. Delos Reyes 248 views

KASADO na ang mga security measures na ilalatag sa ilalim ng “Oplan Biyaheng Ayos” ng Philippine Coast Guard (PCG) upang masiguro ang kaligtasan at seguridad ng mga pasahero sa pantalan sa paparating na Semana Santa o Lenten Season at Summer Vacation (SumVac) 2023.

Kaugnay nito, sinabi ni PCG Commandant CG Admiral Artemio M. Abu na magdedeklara ng “heightened alert” ang PCG mula Abril 2-10, 2023 para masiguro na mananatiling maayos ang maritime operations at komportable ang biyahe ng mga residenteng uuwi sa kani-kanilang probinsya at mga turistang bibisita sa mga tourist destinations.

Handa na rin ang mga K9 units, medical teams, security personnel, harbor patrollers, vessel inspectors, at deployable response groups ayon sa opisyal.

Ayon kay Abu, paiigtingin din ang presensiya ng PCG sa mga port passenger terminals, gayundin sa malawak na katubigan ng bansa para mabantayan ang maritime traffic.

“Para maging ligtas ang pagbabakasyon ng mga turista, siniguro natin na well-trained ang mga lifeguards at iba pang first responders na naka-deploy sa mga beaches, island resorts, at iba pang maritime tourism spots, lalo na sa Visayas at Mindanao,” pahayag ng opisyal.

Bahagi ng plano ang pagtatayo ng first aid at rescue equipment facilities sa mga matataong tourist destinations para agad na maka-responde sa oras na magkaroon ng hindi inaasahang insidente.

Sa kabila ng mga operasyong ito, binigyang-diin ni Abu na patuloy na pa ring tututukan ng PCG ang oil spill response operations sa Oriental Mindoro para sa agarang pagbangon ng mga apektadong residente.

“Sa pangunguna ni Incident Commander, CG Commodore Geronimo Tuvilla, at katuwang ang U.S. (United States) Coast Guard, makakaasa ang ating mga kababayan na tuloy-tuloy ang ating offshore at shoreline response operations, lalo na sa Naujan, Polan, at Bulalacao,” dagdag pa ni Abu.

Base sa direktiba ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista, magkatuwang ang PCG, Philippine Ports Authority (PPA), at Maritime Industry Authority (MARINA) sa pamamahala sa operasyon ng mga sea transport facilities para maging ligtas at matiwasay ang biyahe sa karagatan ngayong Semana Santa at Summer Vacation 2023.

Nakahanda na rin ang karagdagang terminal facilities para masiguro na magiging komportable ang mga biyahero, gayundin ang contingency plan ng DOTr Maritime Sector sa oras na may maganap na sakuna. Samantala, patuloy din ang koordinasyon ng PCG sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), at mga local government unit (LGU) para malabanan ang anumang banta sa seguridad ng publiko dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa mga transport terminals at tourist destinations sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.