Opisyal na sangkot sa Bataan oil spill mananagot — PBBM
MANANAGOT sa batas ang mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa oil spill sa paglubog ng tatlong motor tankers sa Bataan noong Hulyo.
Sa talumpati ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Navotas, sinabi nito na tiyak na gugulong ang ulo ng mga opisyal.
Tuloy aniya ang imbestigasyon kung may kinalaman sa smuggling ang paglubog ng Motor Tanker Terranova, MTKR Jason Bradley at MV Mirola 1.
“Sa usapin naman ng imbestigasyon, tuloy-tuloy ang paghahanap natin ng sagot sa mga katanungang: May kinalaman ba ang mga barkong ito sa oil smuggling?,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Pinasisilip din ni Pangulong Marcos kung bakit nakapaglayag ang dalawang barko na Jason Bradley at Mirola sa karagatan ng bansa kahit walang rehistro at walang authorization to operate.
“Bakit ang dalawang barko, sa kabila ng walang rehistro ay napatakbo sa ating karagatan? Lahat ng ito ay iniimbestigahan para tiyakin na pananagutin natin ang mga may sala,” pahayag ni Pangulong Marcos.