Opisyal na madaldal, bida sa ‘Finding Money’

September 1, 2021 Allan L. Encarnacion 453 views

Allan EncarnacionMAY mga tao sa gobyerno na kapag nagsasalita, hahanapan mo ng pakpak na parang may imaginary halo sa kanilang ulo dahil sa sobrang bait sa harap ng kamera.

Pero sa totoong buhay, sungay pala at hindi halo ang mistulang korona na nakaputong sa kanilang mga ulo dahil iba ang ginagawa kaysa sa kanilang mga sinasabi.

Itong si opisyal na itago natin sa alyas na “Dada” ay sukdulan pala ng siba sa komisyon!

Ayon sa isang source, si “Dada” ay nanghaharbat ng mga proyekto kung saan-saang region. Ginagamit nito ang kanyang impluwensiya para tokahan ang ilang ahensiya ng gobyerno na ibigay sa mga kaibigan niyang kontraktor ang mga proyekto.

Nito lang mga nakaraang buwan, siyam, yes 9 projects ang nakopo ng kontraktor niya na ang bawat isa ay nagkakahalaga ng P15 million o P135M. Ang balita natin, 10% or P13.5M ang hinihingi ni opisyal sa kanyang kontraktor sa mga proyektong ito.

Hindi rin nahihiya si opisyal kahit iyong boss niya ay pinagsisigawan na mahigpit ang kampanya nila laban sa katiwalian.

Matagal na palang ginagawa ni opisyal ang ganitong sistema kaya lang hindi makaangal ang mga hepe ng ahensiya dahil nga bangaw ito na nakatungtong sa kalabaw.

Palibhasa’y matatapos na ang kanilang termino, nagmamadali na silang gatasan hindi lamang ang kanilang ahensiya bagkus ay lahat ng halos ng opisina na labas sa kanyang ahensiya.

Kakalungkot lang dahil parang pinatayo sa buhangin ng opisyal na ito ang pundasyon ng anti-corruptin mantra ni Pangulong Duterte. Hindi ko inaasahang sa lahat ng mga taong palaging nagsasalita laban sa katiwalian ay siya pala ang pasimuno ng mga kalokohang ito.

Kilala itong nag-aambisyong maging senador noon pa mang nakaraang 2019 kaya lang palaging nasa 30th pataas ang ranking sa lahat ng survey kaya hindi tumuloy.

Ngayong parating ang 2022, nakikiliti na naman siya na kumandidato. Senador din ang target kaya lamang, hindi nagbabago ang kanyang ranking, wala pa rin sa potential winning cirlce ang kanyang pangalan.

Pinagdududahan ko tuloy ang kanyang intensiyon sa pagtakbo, mukhang fund raising lang talaga ang lakad niya pero wala talaga itong planong kumandidato.

Gaano karami na kaya ang kanyang naipon sa dami ng kamay na pinipilipit niya sa paghingi ng proyekto?

Popular si opisyal sa pagiging “swimmer” dahil minsan na itong nakitang nasa isang karagatan kasamang lumalangoy ang mga buteteng laot.

Puwede itong maging bida sa sequel ng “Finding Money” este Finding Nemo dahil matuwain ito sa tubig. At matuwain din sa pera ng gobyerno!

Ang kapal mo!