OpenAir

OpenAir Cinema One, nagbabalik ngayong Kapaskuhan

November 30, 2022 Ian F. Fariñas 289 views

Makalipas ang tatlong taon, nagbabalik ang OpenAir Cinema One upang maghatid ng saya ngayong Kapaskuhan tampok ang mga pelikulang Four Sisters Before the Wedding at Red Shoes and the Seven Dwarfs na libreng mapapanood ngayong Disyembre 3 (Sabado) sa Water Garden, Festival Mall, Alabang.

Nagsama ang Cinema One at Festival Mall sa kauna-unahang pagkakataon para maghatid ng outdoor screening event na “OpenAir Cinema One: A Merry Movie Night” na puno ng musika at pelikula na swak pang-weekend bonding.

Tumawa at maantig sa Four Sisters Before the Wedding nina Alexa Ilacad, Belle Mariano, Charlie Dizon at Gillian Vicencio na iikot sa childhood memories ng magkakapatid na Salazar.

Ito ang prequel ng sikat na 2013 film na Four Sisters and a Wedding.

Kakaibang kwento na base kay Snow White naman ang ihahandog ng Red Shoes and the Seven Dwarfs na pinagbidahan nina Chloe Grace Moretz, Sam Claflin, Gina Gershon at Patrick Warburton.

Makikisaya rin ang TV personality na si KaladKaren na pangungunahan ang event habang haharanahin naman ng Tarsier Records artists na sina Jon Guelas, Maki at Zion Aguirre ang mga manonood.

Huling naganap ang OpenAir Cinema One noong 2019 at pansamantalang natigil dahil sa pandemya. Isa ito sa regalong handog ng premier cable channel para maghatid ng kakaibang movie experience na may layuning magbigay kasiyahan sa mga Pilipino.

Available ang Cinema One, ang tahanan ng Filipino blockbuster movies, sa Cignal ch. 45, SKYcable ch. 56 at iba pang local cable service providers.

AUTHOR PROFILE