Default Thumbnail

‘Online TIN’ malaking tulong sa OFW investors

January 27, 2022 People's Tonight 388 views

MAGANDANG balita para sa mga OFWs (Overseas Filipino Workers): Ipinatutupad na ngayon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang “Fully-Online application” para sa mga OFWs upang makakuha sila ng ‘Tax Identification Number (TIN)’ na magbibigay sa kanila ng pagkakataong mamuhunan sa Pilipinas kahit nasa ibang bansa pa sila.

Ayon kay Albay Rep. Joey Sarte Salceda, chairman ng House Ways and Means Committee, at nagpanukala nito sa BIR, “magbibigay ng magagandang pagkakataon sa mga OFW ang ‘fully-online TIN application’ na mamuhunan sa mga tiyak at ligtas na negosyo sa bansa nila.’’

Pinuna ni Salceda na ang mga OFW ay isa sa pinagmumulan ng malaking perang pumapasok sa bansa, na umaabot sa $12 bilyon isang taon, higit na malaki pa kaysa mga ‘foreign direct investments (FDI).”

Ang “Fully-Online TIN application” ay pagkakataon din para sa mga “OFW na nais mamuhunan sa Philippine stocks bilang paghahada sa tuluyan na nilang pag-uwi para sinupin ang kanilang kabuhayan at pamilya, sa halip na maging biktima pa ng mga ‘scammers,’ diin ni Salceda na dating isang ‘stock market analyst.’

Nauna rito, inamuki ni Salceda sa isang liham si BIR Commissioner Caesar R. Dulay na hayaang mag-aplay ng TIN ang mga OFW na hindi na kailangan personal na pumunta sa BIR, dahil nga nasa ibang bansa sila, bukod sa maraming oras itong kinakain at dahil din sa pandemya.

Bukod sa online application, pumayag na rin ang BIR na maaari na mag-aplay ang mga OFWs ng TIN sa pamamagitan ng kanilang otorisadong kinatawan, lalo na kung kailangan nila ito sa pagbayad ng ambag sa kanilang Personal Equity and Retirement Account (PERA).

“Sa sandaling may TIN na ang mga OFW para sa PERA, maaari na rin nilang gamitin ito para sa kanilang ‘brokerage accout’ na magandang balita din lalo. Kung meron sana nito noon pa, maaaring malaki na ang napuhunan nila sa mga makabuluhang proyekto,” dagdag ni Salceda.

Ayon kay Saceda, “sadyang hamon ang katiyakan sa pananalapi para sa mga OFW kung nais na nilang umuwi, kaya ang pamumuhunan nila sa “stocks” ay magandang pagkakataon para matiyak din ang kanilang kinabukasan.

Naniniwala si Salceda na magiging batas din ngayon taon ang akda niyang ‘Consumer Financial Protection Act’ na pasado sa Kamara. “Maganda at kailangan ito ng mga OFW na paboritong target ng mga scammers o manloloko na nag-aalok sa kanila ng kung anu-anong raket na mapagkakakitaan, na madalas ay pinapatulan naman,” dagdag ng mambabatas na isa ring respetadong ekonomista.

AUTHOR PROFILE