Online sellers ng paputok tiklo sa MDACT

December 16, 2022 Jonjon Reyes 106 views

PASOK sa selda ang dalawang online seller ng paputok sa isang entrapment operation sa Barangay San Roque, Navotas City Huwebes ng gabi.

Ikinasa ang nasabing operasyon ng mga operatiba ng Manila Anti-Cyber Crime Team (MDACT) dahil sa ibinebentang “firecrackers” sa pamamagitan ng social media na may temang “Online Paputok.”

Ang mga naarestong suspek ay sina alyas “Jose,” ng Bgy. San Roque, Navotas City at isang alyas “Jeff” na nakatira sa parehong barangay.

Batay sa ulat ni Police Maj. Reynaldo Salim, team leader ng MDACT, bandang 10:50 ng gabi (Disyembre 15), nang ilatag ang entrapment sa naturang lugar.

Katuwang ang mga mga tauhan ni P/Lt. Col. Robert Domingo, hepe ng Directorate for Investigation and Detective Management Division ng Manila Police District (MPD-DIDMD), sa pagdakip sa mga suspek.

Pinangunahan naman nina P/Capt. Crison Jay Manzano at si P/Lt. Jonathan Julian, ang nanguna sa isinagawang operasyon.

Isang poseur buyer ang nakipagkita sa mga suspek matapos magkasundo sa bentahan sa “Online Paputok” at pinosasan ang dalawa matapos magkaaubutan ng marked money.

Narekober ang pitong “Atomic Bomb,” 70 pirasong “Kingkong Arko” (regalo), dalawang “Crying Cow Bomb,” dalawang pirasong “Atomic Crying Cow Bomb,” at sampung “Kabase.” Ang mga nasabing paputok ay ilegal at ipinagbabawal ang paggamit maging ang pagbebenta nito.

Hinanda naman ni Patrolman Kim Harold Santelices ang mga dokumento ng pag-aresto saka sinampahan ng kasong paglabag sa Republic Act (RA) 7183 – Act Regulating the Sale, Manufacture, Distribution, and Use of Firecrackers and Pyrotechnic Devices in relation to Sec. 6 of RA 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012).

AUTHOR PROFILE