Default Thumbnail

Online seller arestado sa P108K shabu

March 11, 2022 Jonjon Reyes 393 views

ISANG 31-anyos na online seller na target ng operasyon at kabilang ang 3 pa ang pinosasan ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Manila Police District (MPD) makaraang isagawa ang isang buy-bust operation sa Sta. Cruz, Maynila Huwebes ng gabi.

Kinilala ni P/Lt.Col. John Guiagui, commander ng MPD-Sta. Cruz Police Station 3 ang suspek na si Richard Dela Cruz aka “Yeye”, online seller, kaanib ng Commando Gang at residente ng San Hilarion St., Bgy.18 Tondo, Maynila.

Samantala binitbit din ang umano’y kasabwat sa iligal na droga na sina Zenaida Mendez, 45, Mc Mandar, 23, at Felizardo Quiton, 45-anyos.

Ayon kay P/EMS Rommel Rey, Team “Swabe” at lider ng SDEU, bandang alas-6:30 ng gabi nitong nakaraang Marso 8 nang ikasa nila ang isang buy-bust operation sa Claro M. Recto Avenue malapit sa Oroquieta St. sa Sta. Cruz.

Una na umanong nagsagawa ng pagmamanman ang mga tauhan ng SDEU sa lugar at nang makumpirma ang umano’y bentahan ng droga, isa sa mga awtoridad ang tumayong buyer.

Nang magkaabutan na shabu kapalit ang ginamit na marked money, dito na sila dinamba ng mga operatiba.

Nakasamsam ng 4 na bulto ng 16 na gramo ng shabu na may street value na P108, 800.

Pinuri naman ni Lt. Col. Guiagui ang Team “Swabe” na sina Pat. Ruzzel Manuel, P/Cpl. Jeffrey Castillo, P/Cpl. Jerald Valencia, P/Cpl. Ruvian Manlapas, P/Cpl. Roger Soria, Pat. Niño Angelo Manalastas, P/Cpl. Noli Jazmin, P/Cpl. Jason Magpantay sa pangunguna ni P/EMS Rey.

Ang 4 na suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Dangerous Drug Act of 2002). Jon-jon Reyes at C.J Aliño

AUTHOR PROFILE