Hontiveros

Online lending na nagpapadala ng karo sa paniningil iimbestigahan

December 16, 2023 Camille P. Balagtas 556 views

GIGISAHIN sa Senado ang mga online lending companies na nagpapautang pero kung anu-ano ang ginagawa sa mga nangutang kapag nagmintis ng pagbabayad gaya ng pagpapadala ng karo ng patay para takutin ang mga may utang na magbayad.

Ito ang ibinulgar ni Sen. Risa Hontiveros na nag-file ng Resolution No. 882 na magbibigay karapatan sa Senado upang imbestigahan ang mga abusadong lending firms.

“Senate Resolution no 882 is calling for the appropriate committee of the Senate of the Republic of the Philippines to conduct an investigation in aid of legislation into abusive and possibly illegal debt collection practices of online lending companies.” paglilinaw ni Hontiveros.

Ibinulgar din ni Hontiveros na may mga kasamang pagbabanta sa buhay ng mga umuutang ang ginagawang istilo ng paniningil ng mga ito.

Walang tigil din nilang iistorbohin ang mga “reference persons” na inilagay ng umuutang sa kanyang aplikasyon kahit walang kinalaman sa naganap na transaksyon hanggang masira ang cellphone ng mga naturang tao dahil sa walang tigil na tawag.

Ayon pa kay Hontiveros, aminado syang napakaraming tao ang nalululong sa utang dahil sa kagipitan ngunit hindi aniya dapat hiyain, pagbantaan, takutin at higit sa lahat ibaon ang umuutang sa laki ng tubo na ipinapatong na aabot ng 15 to 20%.

Bukod sa mala loan sharks, nawawalan ng dignidad ang mga nangutang sa mga lending firms na ito dahil sa kahihiyan na ginagawa sa kanila at sa ibang kaanak sa paniningil.

Napag alaman pa na “foreign-based companies” ang mga naturang kumpanya na nasa likod ng ilegal na operasyon ng pagpapahiram ng pera sa mga tao na nakapag-ooperate sa ating bansa sa pamamagitan ng online transaction.

Ayon kay Hontiveros, walang aprubadong lisensya mula sa mga tamang departamento ng gobyerno gaya na lamang ng Bangko Sentral at kahit ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang mga lending firms na ito.

Napag alaman din na mula sa Tsina ang karamihan sa mga online lending companies at sa Tsina mismo ginagawa ang mga harassment sa maraming Pilipino kasabwat ang ilan sa kanilang mga tauhan na nakabase sa Pilipinas.

“This online lending model apparently originated in the Chinese mainland, with Chinese fintech lenders using the phone contact lists of their borrowers to harass their colleagues, family and friends,” paglalahad ni Hontiveros.