Online information center sa mga produkto isinusulong ni Senador Lito Lapid
GUSTO ko ‘tong panukala ni Senador Lito Lapid para sa pagtatayo ng Product Safety Online Information Center para bumuo ng website ng safety information sa mga consumer product at motor vehicles.
Kasama sa magiging laman ng online information center ang pag-recall, pagbawal, pag-ban ng mga depekto at iba pang safety information sa produkto.
“Karapatan ng bawat consumer sa ating bansa na maprotektahan sila mula sa mga produkto na hindi maayos ang pagkakagawa o kaya naman ay naglalaman ng mga delikado o hazardous components. Ang mga impormasyong ito ang syang layuning mailagay sa online information center na aking pinapanukala,” paliwanag ni Lapid.
Layun ng Senate Bill 2144 na palakasin ang information dissemination at consumer education ng regulatory bodies at agencies.
Batay sa panukala ang online information center ay pamamahalaan ng Department of health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA) kung ang pag-uusapan ay pagkain, gamot, cosmetics, devices at iba pang substances.
Ang Department of Agriculture (DA) at Fertilizer and Pesticide Authority (FPA) naman para sa mga produktong may kinalaman sa agrikultura habang ang Land Transportation Office (LTO) sa motor vehicles at ang Department of Trade and Industry (DTI) sa iba pang consumer products.
Katuwang ng mga ahensya ang Department of Information and Communications Technology (DICT) para sa setting up at maintenance ng website at ng support infrastructure.
“Sa pamamagitan ng isinusulong nating Product Safety Online Information Center, hindi na kailangan pang magpakahirap ng mga consumer na hanapin ang mga impormasyong kaugnay sa iba’t-ibang produkto sa pamamagitan ng pagtingin sa mga website ng iba’t-ibang ahensya ng gobyerno, kasama na rin ang mga website ng mga manufacturers, retailers at distributors. Mahalagang may iisang website na maglalaman ng mga impormasyong magbibigay ng warning kung delikado ba o hindi na dapat gamitin pa ang isang produkto,” diin pa ni Lapid.
Sa ganang akin, napakagandang panukala ito dahil ito na ang sagot para masugpo ang ‘overpricing,’ at pagkalat ng mga pekeng produkto.
Kung may online information system, matse-check ang presyo ng bawat produkto at maipatutupad ng tama ang suggested retail price.
Gayundin ay madaling mamonitor kung peke ba o ‘legit’ ang mga binibili nilang produkto.
Kung ‘inter-agency’ ang hahawak ng nasabing website, madali ring makakakilos ang pamahalaan sakaling magkaroon ng reklamo o aberya sa isang produkto.
Ngayon pa lang ay sumasaludo na tayo kay Pinuno. Ang mga ganitong uri ng panukala ang isa sa may pakinabang ang bawat mamamayan – mahirap man o mayaman.
Lalo na ngayong panahon ng pandemya, hindi lamang mga mahihirap ang tinamaan ng labis na mataas na presyo ng bilihin, kundi marami na ring mga kompanya ang nagsara dahil sumadsad paibaba ang ating ekonomya.
Kung may bantay na sa tamang presyo at susugpo sa pekeng produkto, malaking tulong ito sa lahat – mula sa mga namumuhunan at mga end-user mismo.