Default Thumbnail

One-strike policy ng PNP chief sagot sa problema ng PCSO

May 17, 2023 Edd Reyes 393 views

Edd ReyesONE-STRIKE policy ang pinaiiral ngayon ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Gen. Benjamin Acorda sa mga hepe ng pulisya matapos isumbong ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Mel Robles ang pagliit ng kanilang kita sanhi ng pagtangkilik ng marami sa ilegal na sugal.

Ang utos ng PNP chief ay hindi lamang sumasaklaw sa ilegal na sugal na lotteng, jueteng, bookies ng karera, EZ2 at iba pa kundi sa lahat ng uri ng bawal na sugal, kabilang ang color games, drop ball, cara y cruz at iba pang sugal-lupa.

Ito ang dahilan kaya kabi-kabila ang isinasagawang panghuhuli ng pulisya sa mga kubrador ng lotteng, jueteng, bookies at EZ2 sa Metro Manila, pati na ang pagpapasara sa mga pergalan, na may palarong color games at drop ball.

Ganito rin ang kampanya ng mga regional at provincial director bagama’t hindi talaga tuluyang mawawalis ito dahil marami sa kanila ay ito lang talaga ang pinagkakakitaan.

Dito nga lang sa lalawigan ng Rizal, limang operator ng color games na nagtatago sa mga alyas na Tessie, Rambo, Perly, Rommel at Bert ang naglatag ng kani-kanilang mesa ng ilegal na sugal sa Brgy. San Lorenzo, malapit sa boundary ng Pasig, pati sa may floodway, sa Muzon, Brgy. San Juan at sa Bagong Palengke na pawang nasa bayan ng Taytay.

May kampanya naman talaga sina Rizal Provincial Director P/Col. Dominic Baccay at Taytay Mayor Allan De Leon laban sa ilegal na sugal pero talagang kanya-kanyang gimik ang mga operator kaya pati sa mga bayan ng Binangonan, Cogeo, Montalban at Antipolo ay may mga alyas Bonjing, Rambo, Joan, Roy at Lito ng naglatag ng kahalintulad ding ilegal na sugal.

Hindi pa siguro batid ni Region 4A Director P/BGen. Carlito Gaces ang minana niyang sakit ng ulo ng pinalitan niyang si P/BGen. Jose Melencio Nartatez, Jr. pero tiyak na matutukoy din niya ito sa lalung madaling panahon lalu na’t may umiiral na one-strike policy.

Dati ng naging deputy provincial director si Gaces sa Ilocos bago siya naitalagang chief of police ng Valenzuela City at dahil sa magandang performance, natalaga siya bilang regional director.

Scholarship sa mga atletang estudyante sa Navotas

MAPALAD ang may 108 na estudyante sa elementarya at high school sa Navotas City na nagpamalas ng kakaibang husay sa larangan ng palakasan dahil pinagkalooban sila ng scholarsip ni Mayor John Rey Tiangco kung saan tatanggap sila ng kabuuang P18,000 allowance para sa kanilang pamasahe, pagkain, uniporme at iba pang gamit.

Kabilang sa mga binigyan ng scholarship ang 36 na nagkampeon sa athletics sa Navotas Division Palaro, 24 sa taekwando, 16 sa badminton, 13 sa swimming, apat na gold winners table tennis anim sa chess at siyam sa arnis.

Naniniwala si Mayor Tiangco na magkakamit pa ng maraming parangal ang mga estudyanteng Navoteño kaya’t kailangan lamang na tulungan silang linangin pa ang kanilang talento upang maabot ang rurok ng tagumpay.

Bukod sa allowance, sinabi ni Mayor Tiangco na bibigyan din sila ng libreng pagsasanay sa uupahang mga dalubhasa sa palakasan ng lokal na pamahalaan bagama’t maipagpapatuloy lamang nila ang scholarhip kada taon kapag patuloy silang nagkamit ng parangal kahit sa ikatlong puwesto sa anumang kompetisyong lalahukan at kailangan ding mapanatili nila ang kanilang grado sa paaralan.

Mula ng itatag ang NavotaAs Scholarship Program noong taong 2011, umabot na sa mahigit 1,000 estudyante at guro ang nabigyan ng suporta sa kanilang pag-aaral habang may scholarship ding inilaan sa mga matatalinong estudyante at anak o kaanak ng sampung Most Outstanding Fisherfolk.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE