OMMC naghahanda sa pagtaas ng kaso ng lepto
PUSPUSAN na ang paghahanda ng Ospital ng Maynila Medical Center (OMMC) na pinamumunuan ni Director Dr. Aileen Lacsamana sa posibleng pagtaas ng kaso ng Leptospirosis ngayong panahon ng tag-ulan.
Sa ginanap na Leptospirosis Crisis Management Conference, inatasan ni Dr. Lacsamana ang mga division chiefs na ihanda ang mga kinakailangang kagamitan at sapat na kapasidad ng mga kama upang magamit ng mga pasyenteng may sintomas ng naturang nakamamatay na sakit.
Bilang mga manggagawa sa pangangalagang pangkalusugan, sinabi ni Dr. Lacsamana na kailangan nilang ibigay ang pinakamataas na kalidad ng serbisyo sa publiko sa abot ng kanilang kakayanan lalu na’t ngayon kinakailangan ng tao ang kanilang kakayanan. “We should be there to serve them regardless of their status in life, dahil sa Maynila, walang maiiwan,” tagubilin pa ni Dr. Lacsamana.
Batay sa datus ng Department of Internal Medicine ng OMMC, tumanggap at binigyan na ng nararapat na lunas ng OMMC ang may 37 pasyenteng may sintomas ng Leptospirosis mula nang manalasa ang bagyong Carina.
Pinakamarami rito ay mga pasyenteng nagmula sa ika-limang distrito ng Lungsod ng Maynila kung saan nakatayo ang modernong pagamutan ng OMMC bagama’t nilinaw ni Dr. Lacsamana na karamihan naman sa mga pasyente ay banayad lamang ang naging tama ng sakit..
Dahil dito, inatasan ni Dr. Lacsamana ang lahat ng kanilang medical staff, na manatiling nakatutok at isagawa ang lahat ng kaalaman na kanilang natutuhan upang matanggap ng publiko ang piinakamahusay na kalidad na serbisyo sa kanilang pagamutan.
“The possible Leptospirosis surge is a perfect exercise for our learnings as a team and it mirrors the synchronicity and service delivery in OMMC,” sabi pa ni Dr. Lacsamana.