Guo

Ombudsman pinatawan ng preventive suspension si Guo

June 3, 2024 Cory Martinez 77 views

PINATAWAN nitong Lunes, June 3, ng Office of the Ombudsman ng preventive suspension si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at dalawa pang lokal na opisyal habang dinidinig ang mga kasong administratibo na isinampa laban sa kanila.

Sa inilabas na order ni Ombudsman Samuel Martires, bukod kay Guo, sinuspinde din sina Edwin Ocampo, pinuno ng Business Permit and Licensing Office ng munisipalidad ng Bamban at Municipal Officer Adenn Sigua.

Inilabas ang naturang order matapos na maghain ang Department of Interior and Local Government (DILG) noong Mayo 24 ng kasong grave misconduct, serious dishonesty, gross neglect of duty at conduct prejudicial to the best interest of the service laban sa tatlong opisyal.

Nag-ugat ang mga naturang kaso dahil sa umano’s pagkakasangkot ng alkalde sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) Zun Yuan Technology Incorporated, na ni-raid ng mga pulis noong Marso dahil sa reklamo ng human trafficking at serious illegal detention.

Sa pagkakasuspinde sa tatlong opisyal, sinabi ng Ombudsman na may sapat na dahilan upang suspindihin ang mga ito dahil may malakas na ebidensiya na may kasalanan sila.

Binigyang-diin pa ng Ombudsman na ang maaaring maperwisyo ang isasagawang imbestigasyon sa kanila kung mananatili sila sa kanilang mga tanggapan.

AUTHOR PROFILE